BULACAN – Sinalakay ng mga tauhan ng intelligence agents ng Optical Media Board (OMB) ang isang establisiyemento dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9239 o mas kilala bilang Optical Media Act of 2003, at tinatayang P100 milyong halaga ng computer sets, gadgets at mga TV na mayroong storage devices, ang nakumpiska habang dalawang Chinese national at isang Filipina ang arestado noong Huwebes ng hapon sa bayan ng Guiguinto sa lalawigang ito.
Ayon kay OMB chairman, Atty. Christian D. Natividad, ang mga inaresto ay kinilalang sina Quan Xi Gua at Huang Yingjie habang isasailalim naman sa interogasyon ang nagpakilalang secretary na si Joy Alegado na inabutan sa loob ng Ecom Electronics Reconditioning Services.
Base sa panimulang imbestigasyon, ang pagsalakay ay isinagawa bandang alas-2:00 ng hapon sa nasabing establisiyemento sa loob ng IRS Industrial Complex sa Mercado St., Guiguinto, Bulacan.
Tinatayang P100 milyong halaga ng mga personal computer, computer monitor, mga TV na nilagyan ng storage devices, at universal serial bus o flashdrive ang nadiskubre sa loob ng nasabing bodega na pawang hindi rehistrado sa Optical Media Board.
Ayon kay Atty. Natividad, nadiskubre ang nasabing bodega matapos na magpadala ng application sa tanggapan ng OMB para sa lisensya ng nasabing establisiyemento, sa pamamagitan ng online application, ang isang nagpakilalang may-ari na si Jocelyn Drueco Casimiro.
Gayunpaman, natuklasan ng OMB na isang dayuhan ang may-ari ng nasabing establisiyemento at inamin mismo ng nagpakilalang sekretarya nito na isang Chinese National ang may-ari ng Ecom Electronics Reconditioning Services at hindi si Casimiro. (ELOISA SILVERIO)
161 