NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang pulisya kung namatay sa pagkalunod ang isang babae makaraang matagpuang walang malay sa dalampasigan sa isang resort sa Tanza, Cavite noong Linggo ng gabi.
Isinugod pa sa Tanza Doctors Hospital ang biktimang si “Precious” subalit wala na itong pulso pagsapit doon.
Ayon sa ulat, isang pamilya ang nagtungo sa Garden Coast sa Brgy. Capipisa, Tanza, Cavite upang maligo at doon ipagdiwang ang Easter Sunday.
Inakala ng pamilya na natutulog lamang ang biktima sa kanilang inupahang cottage ngunit bandang alas-10:00 ng gabi ay nabatid na wala ito roon.
Naghanap ang kanyang pamilya hanggang sa natagpuan ito sa gilid ng dagat na walang malay.
Agad isinugod sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung ano ang ikinamatay ng biktima.
(SIGFRED ADSUARA)
73 