SI San Simon, Pampanga Mayor Abundio “Jun” Punzalan Jr. nang dumating sa Sandiganbayan kasama ang kanyang mga abogado para sa arraignment sa kasong graft at extortion nitong Miyerkoles ng umaga, Oktubre 1, 2025.
QUEZON CITY – Dumating nitong Miyerkoles, Oktubre 1, 2025, si San Simon, Pampanga Mayor Abundio “Jun” Punzalan Jr. sa Sandiganbayan kasama ang kanyang mga abogado upang dumalo sa kanyang arraignment sa 7th Division ng korte.
Nahaharap si Punzalan sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Robbery Extortion sa ilalim ng Revised Penal Code.
Batay sa reklamo ng RealSteel Corporation, hiningan umano sila ng alkalde ng ₱80 milyon kapalit ng hindi pagbabasura sa Municipal Ordinance No. 24-0025 na nagbibigay ng tax incentives sa kumpanya.
Kasabay umano ng demand ay ang bantang babawiin ang naturang insentibo kung hindi magbabayad ang kompanya.
Lalong tumibay ang kaso laban kay Punzalan matapos ang isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 5, 2025 sa Cafe Mesa, Clark Freeport, Mabalacat City.
Sa naturang operasyon na ginanap sa pampublikong lugar at nasaksihan pa ng media, nadawit mismo ang alkalde sa sinasabing pangingikil.
Kung mapatunayang guilty, haharap si Punzalan sa parusang pagkakakulong, pagtanggal sa serbisyo, at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyong pampubliko.
(DANNY QUERUBIN)
227 