2020 ASIA AND OCEANIA OLYMPIC BOXING QUALIFIERS EUMIR MARCIAL NAKA-GINTO

DOBLENG panalo ang nakamit ni Pinoy middleweight Eumir Felix Marcial nang matapos mag-qualify sa Tokyo Olympics ay nanalo pa siya ng gintong medalya sa katatapos lang na 2020 Asia and Oceania Olympic boxing qualifying tournament.

Tinalo ni Marcial ang nakalaban sa finals na si Abilkhan Amankul ng Kazakhstan sa pamamagitan ng split decision Miyerkoles sa Amman, Jordan.

Umiskor si Marcial ng 3-2 laban kay Amankul 3-2 sa kanilang gold medal match para sa middleweight class.

Sa first two rounds pa lang ay umiskor na ang top-seeded na si Marcial, na nagpakawala ng isang malakas na body shot na nagpatiklop kay Amankul.

Nagtangka pa ang Kazakhs na mag-rally sa final round nang magpatama ng suntok na ikinabagsak ng Pinoy, ngunit idineklara ng reperi na “slip” lamang.

Bago ito ay awtomatikong nakakuha ng tiket patungong Tokyo Olympics si Marcial nang umabante sa semifinals.

Isa pang Filipino sa katauhan ni Irish Magno ang byaheng-Tokyo rin nang magwagi sa box-off kontra Sumaiya Qosimova ng Tajekistan, 5-0, sa women’s flyweight.

Hindi naman kasing-swerte ang isa pang Pinoy na si Carlo Paalam, na natalo, 4-1, laban kay Saken Bibossinov ng Kazakhstan sa box-off ng men’s flyweight.

 

231

Related posts

Leave a Comment