PARA kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mas nakatuon ngayon ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng mas murang kuryente kaysa sa kung saan nagmumula ang kanilang suplay ng enerhiya.
Ayon sa Pangulo, tila nagbabago ang pananaw ng publiko sa usapin ng nuclear energy, kung saan ang dating pangamba sa kaligtasan ay napapalitan ng paghahangad ng mas abot-kayang elektrisidad.
Sa kanyang pagbisita sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute (SNRSI), sinabi ni Marcos na mas mahalaga na ngayon sa publiko ang presyo ng kuryente kaysa sa pinagmumulan nito.
“Because we always worry about, people are worried about safety and the answer that comes back is that we don’t care where our power comes from, but bring it more cheaper. That’s it. We don’t care where it comes from. So that’s changed completely,” pahayag ng Pangulo.
Ginawa niya ang pahayag habang pinag-aaralan ng administrasyon ang paggamit ng nuclear energy upang palakasin ang seguridad sa enerhiya ng bansa at mapababa ang halaga ng kuryente.
Binisita rin ni Marcos ang kontrobersiyal na mothballed Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa Morong, Bataan, na itinayo sa ilalim ng administrasyon ng kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
May kapasidad na 620 megawatts ang planta na natapos noong 1984 sa halagang $2.3 bilyon, ngunit hindi ito kailanman nakapagprodyus ng kuryente.
Bahagi ang pagbisita sa SNRSI ng working visit ng Pangulo sa Singapore mula Oktubre 7 hanggang 11 upang alamin ang mga pag-unlad sa nuclear research, safety at regulation.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong sina Aboitiz Equity Ventures President at CEO Sabin Aboitiz, Ayala Corp. Chair Jaime Augusto Zobel de Ayala, SNRSI Director Prof. Chung Keng Yeow at Singapore National Environment Agency Group Director Ang Kok Kiat.
Kasama rin sa delegasyon ng Pangulo sina Finance Secretary Frederick Go, Trade Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque at Acting Presidential Communications Secretary Dave Gomez.
Samantala, tinitingnan din ng administrasyon ang native hydrogen bilang posibleng karagdagang mapagkukunan ng enerhiya sa bansa.
Nauna nang nakipagpulong si Marcos sa mga kinatawan ng Koloma Inc. sa Malacañang upang talakayin ang eksplorasyon ng kompanya sa Zambales, Pangasinan at Tarlac, kabilang ang planong pagbabarena ng kauna-unahan nitong exploration well.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, isinagawa ang pulong bago umalis ang Pangulo patungong Singapore, habang patuloy na naghahanap ang administrasyon ng mga paraan upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.
Sinabi ni Castro na bukas ang Pangulo sa iba pang mapagkukunan ng enerhiya na makatutulong sa pagpapalakas ng energy security at pagkakaroon ng maaasahan at napapanatiling suplay ng kuryente.
Ang native hydrogen, na tinatawag ding natural o geologic hydrogen, ay hydrogen gas na likas na matatagpuan sa ilalim ng lupa. Maaari itong maging karagdagang lokal na mapagkukunan ng enerhiya kung mapatutunayang may sapat na deposito na maaaring makuha nang komersyal.
Gayunman, nasa maagang yugto pa lamang ang eksplorasyon nito, at hindi nangangahulugang ang pagkakatuklas ng deposito ay garantiya na makakakuha ng sapat na dami ng hydrogen sa paraang matipid at komersyal.
Ang Koloma Inc. ay isang kompanya ng eksplorasyon ng enerhiya na nakabase sa Denver, Colorado, sa Estados Unidos at nakatuon sa pagtukoy at pagsusuri ng mga likas na deposito ng hydrogen.
(CHRISTIAN DALE)
125 