PAGTITIBAYIN ng House Committee on Justice ngayong Lunes ng umaga, Mayo 4, ang committee report na nagtatakda ng probable cause para i-impeach si Vice President Sara Duterte.
Kasabay nito, iaakyat sa plenaryo ng Kamara ang Articles of Impeachment.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson Rep. Gerville Luistro, nakabatay ang report sa “forensic truth” o dokumentadong ebidensya.
“Natapos na ng komiteng ito ang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon na magtakda ng probable cause base sa mga ipinakitang ebidensya,” ani Luistro.
Kabilang sa sentrong isyu ang umano’y maling paggamit ng mahigit P612.5 milyong confidential funds, kabilang ang P125 milyon na nagastos umano sa loob lamang ng 24 oras.
Binanggit din ang “envelope system,” mga kaduda-dudang resibo, at pekeng pangalan ng mga benepisyaryo na kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Tinalakay rin ang umano’y unexplained wealth matapos iulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mahigit P6.7 bilyong kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan sa Bise Presidente at kanyang asawa, sa kabila ng idineklarang net worth na P88 milyon.
Isinama rin sa mga basehan ang naging pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, na ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ay maaaring pumasok sa inciting to sedition at grave threats.
Binigyang-diin ni Luistro na ang proseso ay hindi pulitikal kundi alinsunod sa Konstitusyon at pananagutan sa publiko.
Kapag naaprubahan ng hindi bababa sa one-third ng mga miyembro ng Kamara ang Articles of Impeachment, agad itong ipadadala sa Senado na tatayong impeachment court.
Tiwala naman si House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na makakamit ang kinakailangang boto upang maakyat ang kaso sa Senado.
“‘Yung boto ng probable cause 53 votes na po yun. So ang kailangan lang naman po namin 106 votes to impeach. Tingin ko naman, that is a number that will not be difficult to surmount,” ani Ridon.
Inaasahang sisimulan ang plenary debate sa loob ng susunod na dalawang linggo bago tuluyang i-transmit sa Senado ang kaso.
(TINA MENDOZA)
63 