2021 BUDGET, PINATITIYAK NA PARA SA PAGBANGON NG EKONOMIYA

PINATITIYAK ni Senador Panfilo Lacson na nakatutok ang 2021 budget sa pagbangon ng mga sektor ng kalusugan at ekonomiya bunga ng pagkalugmok na inabot ng mga ito sa mahabang panahon ng pananalasa sa bansa ng nabanggit na pandemya.

“First things first. We should first address the pandemic and its effects: Health issues, development, recovery of the economy. Those are what we need to address in the 2021 budget,” saad ni Lacson.

“I want the budget to be responsive to the sign of the times. I want it to be responsive to the budget philosophy of Reset, Rebound, Recover. These are what we need for 2021. Not the multi-purpose buildings, not the double appropriations, not the right-of-way payments that cannot be accomplished anyway,” dagdag ng mambabatas.

Kabilang sa isinusulong ni Lacson ang pagbura sa P63 bilyon mula sa mga gastusin ng Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources’ National Greening Program at National Irrigation Administration, na kinabibilangan ng: P60 bilyon mula sa DPWH multi-purpose buildings maliban sa mga gagamitin bilang evacuation at quarantine facilities, double appropriations, bayad sa right-of-way payments pati na rin ang overlapping projects; at P500 milyon mula sa NIA dahil sa mga usaping may kaugnayan sa implementasyon ng mga proyekto.

Ayon kay Lacson, ang mga halagang aalisin ay iminumungkahi niyang ilipat sa ibang mga ahensiya at iba pang mga programa.

Sa mungkahi ng senador, P20 bilyon ang ilalagay sa local government units sa pamamagitan ng Assistance to Local Government Units-Local Government Support Fund (ALGU-LGSF), sa mga lugar na sinalanta ng mga nagdaaang malalakas na bagyo.

Ang nabanggit na halaga ay magsisilbi ring ayuda sa mga evacuation center at quarantine facilities, livelihood, at muling pagbangon ng mga nasira.

Aabot naman sa P12 bilyon ang dapat ilagay sa Department of Information and Communications Technology, para sa pag-usad ng P18-bilyon national broadband program, para sa unti-unting pagtayo ng gobyerno sa sariling paa sa usapin ng internet connectivity na sa kasalukuyan ay nakasandal sa mga pribadong telcos.

Tinatayang P34 bilyon ang matitipid ng pamahalaan sa susunod na limang taon kapag ito ay naipatupad na.

Dapat ding magbigay ng karagdagang gastusin para sa flexible learning options ng Department of Education.

Habang nasa P8 bilyon na dagdag pondo para sa Department of Health sa pagpapatupad ng Universal Health Care program sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na nangangailangan ng tinatayang P13 billion.

Binabanggit din ng mambabatas na handa siyang sumuporta kung may mga lalabas na panukalang pagkakaroon ng special budget o partikular na batas na gaya ng Bayanihan to Heal as One Act para sa dagliang pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

“If we need to even pass a special budget for that or a special law like Bayanihan where the President can realign funds from some items for the purchase of the vaccines, we will do that,” banggit ni Lacson.

Nilinaw pa ng mambabatas na ang P16.4 bilyon para sa anti-insurgency program ng pamahalaan ay ilalaan sa mga proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran sa mga lugar na malinis na sa insurgency activities.

Hindi na rin itutuloy ni Lacson ang unang planong tapyasan ang confidential and intelligence fund ng pangulo, makaraang impormahan siya ng pulis, militar at intelligence communities na suportado ng pangulo ang anomang misyon na kanilang gagawin. (DANG SAMSON-GARCIA)

222

Related posts

Leave a Comment