PONDO NG BAYAN IBALIK SA KALUSUGAN AT PROTEKSYON NG MAMAMAYAN!

At Your Service ni KA FRANCIS

HINDI dapat maging palipat-lipat na lamang ang pondo ng mga ahensiyang may direktang tungkuling protektahan ang kapakanan ng mamamayan. Muling umalingawngaw ang panawagan para sa pananagutan matapos kalampagin ni Senador Loren Legarda ang executive department at mga kapwa mambabatas upang matiyak ang buong pagsasauli ng mga pondong kinuha sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC). Hindi ito simpleng usapin ng accounting o pagbabalanse ng pambansang badyet. Buhay, kalusugan at pinaghirapang ipon ng milyun-milyong Pilipino ang nakataya.

Sa kaso ng PhilHealth, malinaw na hindi dapat ituring na karaniwang kaban ng pamahalaan ang pondong nakalaan para sa serbisyong pangkalusugan. Ang bawat pisong kontribusyon at pondong ipinagkatiwala rito ay may katumbas na pangangailangan ng isang pasyenteng umaasang mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot. Sa panahong napakamahal ng mga gamot, laboratory test at pagpapaospital, paano maaasahan ng mga Pilipino ang sapat na benepisyo kung ang mismong pondong dapat magtanggol sa kanila ay naililipat sa ibang programa?

Mas lalong dapat pagtuunan ng pansin ang P107.23 bilyong pondong ipina-remit ng PDIC sa National Treasury. Sa panukalang pambansang badyet para sa 2027, P57 bilyon lamang ang nakapaloob para sa pagsasauli nito, at inilagay pa sa unprogrammed appropriations. Ibig sabihin, hindi awtomatikong maibibigay ang naturang halaga dahil nakadepende pa ito sa pagkakaroon ng sapat na pondo at pagtupad sa mga itinakdang kondisyon. Kung gayon, nasaan ang katiyakan na maibabalik nang buo ang pondong dapat magsilbing panangga sa mga deposito ng mga Pilipino?

Hindi rin dapat balewalain ang utos ng Korte Suprema na isauli sa PhilHealth ang P60 bilyong ipina-remit sa National Treasury noong 2024. Gayunman, ayon kay Legarda, mayroon pang P106.95 bilyong hindi nairere-remit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Bukod dito, inaasahan ding aabot sa P133.24 bilyon ang bahagi ng PhilHealth mula sa sin taxes sa susunod na taon. Malalaking halaga ito na hindi dapat manatiling nakatengga sa mga pangako at dokumento habang maraming Pilipino ang nangangailangan ng serbisyong medikal.

Ang mas malaking tanong: Bakit kailangang paulit-ulit pang manawagan ang mga mambabatas para lamang maibalik ang pondong may malinaw nang paggagamitan? Hindi ba’t tungkulin ng pamahalaan na tiyaking sapat ang pondong inilaan para sa kalusugan at proteksyon sa mga deposito?

Kung may kakayahang maglipat ng bilyun-bilyong piso para pondohan ang ibang programa, dapat mayroon din itong malinaw at konkretong plano kung paano ibabalik ang perang kinuha sa mga institusyong may mahalagang tungkulin sa publiko. Hindi sapat ang pangakong ibabalik ito sa tamang panahon; kailangan ng malinaw na iskedyul, buong halaga at pananagutan.

Sa kabilang banda, dapat ding maging mapanuri ang Kongreso sa pagtalakay at pag-apruba ng pambansang badyet para sa 2027. Hindi dapat maging dahilan ang kakulangan sa pondo o ang pagiging unprogrammed ng isang alokasyon upang ipagpaliban ang obligasyon ng pamahalaan.

Kailangang tiyakin ng mga mambabatas na hindi lamang nakasulat sa General Appropriations Act ang pagsasauli, kundi may sapat na mekanismo upang matiyak na makarating ang bawat pisong nararapat sa PhilHealth at PDIC. Ang pondong para sa kalusugan ay dapat mapunta sa kalusugan, at ang pondong para sa proteksyon ng deposito ay dapat manatili sa layuning ipinagkatiwala rito.

Sa huli, hindi dapat maging paligsahan ng mga ahensya kung sino ang higit na nangangailangan ng pondo, sapagkat kapakanan ng mamamayan ang dapat unang isinasaalang-alang. Ang PhilHealth ay mahalaga sa bawat pamilyang maaaring maharap sa biglaang pagkakasakit, habang ang PDIC ay nagsisilbing proteksiyon sa perang pinaghirapan at inilagak ng mga depositor sa mga bangko. Hindi ito perang maaaring basta ilipat at kalimutan.

Dapat ibalik nang buo, agad at walang palusot ang mga pondong kinuha. Sapagkat sa isang bansang hirap nang makasabay sa pagtaas ng presyo ng bilihin at gastusin sa pagpapagamot, ang pagkakait sa pondong para sa kalusugan at seguridad sa pananalapi ay isa na namang dagok sa ordinaryong Pilipino. Ang kaban ng bayan ay hindi dapat maging pansamantalang imbakan ng mga pondong may mas mahalagang pinaglalaanan.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

54

Related posts

Leave a Comment