24 TUMBA SA PANDEMYA SA CAMANAVA

UMABOT sa 24 katao ang namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Hunyo 8, ayon sa health offices ng nasabing mga lungsod.

Napag-alaman, 20 ang naitalang bagong namatay sa Caloocan City habang 687 ang active cases. Pumalo na sa 34,925 ang total confirmed cases sa siyudad, kung saan 33,229 na ang gumaling at 1,009 ang namatay.

Tatlo naman ang namatay sa Valenzuela City at 326 ang active cases matapos na 53 ang gumaling at 53 ang nagpositibo sa virus. Sumampa na sa 20,072 ang tinamaan ng COVID sa lungsod at sa nasabing bilang ay 19,223 na ang gumaling at 523 ang namatay.

Umakyat naman sa 444 ang COVID death toll sa Malabon City matapos na isang pasyente ang binawian ng buhay. Dalawampu’t walo naman ang nadagdag na confirmed cases at 13,234 ang positive cases sa siyudad, 155 dito ang active cases.

Habang 27 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 12,635 ang recovered patients ng Malabon.

Wala namang naitalang namatay sa lungsod ng Navotas at 99 ang active cases makaraang 11 ang nagpositibo sa virus at pito ang gumaling. Umakyat na sa 10,899 ang nasapul ng pandemya sa siyudad, kung saan 10,439 na ang gumaling at 361 ang namatay. (ALAIN AJERO)

119

Related posts

Leave a Comment