SUSPEK SA MAMASAPANO SAF 44 ENCOUNTER, NAPATAY

NAPATAY ang itinuturing na kilabot na gun-for-hire at notorious drug personality na pinaghahanap ng batas kaugnay ng malagim na “Mamasapano SAF 44” encounter noong 2015 sa isinagawang law enforcement operation sa Maguindanao del Sur kamakalawa ng umaga.

Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) spokesperson, napatay sa engkwentro si Rambo London Guiasalim, alyas “London,” ng Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Batay sa impormasyon ni Salanguit, wanted si Guiasalim sa kasong murder at kabilang umano sa mga sangkot sa 2015 Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP elite Special Action Force (SAF).

Sangkot din umano ang suspek sa pagpatay kay dating Shariff Aguak municipal administrator Alfredo Amelista noong 2014, bukod sa mga kasong may kaugnayan sa illegal drug activities at ilang carnapping.

Isinagawa ang joint law enforcement operation ng Provincial Mobile Force Company, katuwang ang Shariff Aguak Municipal Police Station at iba pang police units sa ilalim ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office.

Ayon sa police report, bago pa maisilbi ng mga pulis ang bitbit nilang warrant, agad umanong bumunot ng .45 caliber pistol si Guiasalim at pinaputukan ang mga awtoridad sa halip na sumuko.

Napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok, kung saan tinamaan si Guiasalim at nasugatan din ang kanyang asawa na si Marisa Bukanan Khalid.

Nadakip naman ang kasama nitong si Tato Abdul Edzong, alyas “Cobra,” na nahulihan umano ng baril, mga bala, granada at droga.

(JESSE RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment