3 AKUSADO SA DEGAMO SHOOTING HINATULAN NA

IKINATUWA ng Department of Justice (DOJ) ang conviction laban sa tatlong akusado sa pamamaril kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ito ay matapos hatulan ng Manila Regional Trial Court (RTC), Branch 40 sa magkahiwalay na kaso kaugnay ng mga baril at pampasabog sina Joric Garrido Labrador, Joven Calibjo Javier at Benjie Rodriguez matapos mapatunayan ang kanilang pagkakasala ng lampas sa makatuwirang pagdududa.

Ayon kay DOJ Secretary Fredderick Vida, hindi kailanman dapat manaig ang kawalan ng pananagutan laban sa katarungan. Pananagutin ng kagawaran ang sinomang lumalabag sa tuntunin ng batas.

Si Labrador ay sinentensiyahan ng 8 hanggang 10 taong pagkakakulong dahil sa ilegal na pagmamay-ari ng baril at bala.

Sina Javier at Rodriguez naman ay kapwa hinatulan ng reclusion perpetua dahil sa ilegal na pagmamay-ari ng mga pampasabog.

Nakumpiska sa tatlo ang isang .45 caliber pistol, dalawang magazine, 14 bala at dalawang hand grenade matapos ang pamamaril sa bahay ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4, 2023.

Pinagtibay rin ng korte ang warrantless arrest sa tatlo matapos isaalang-alang ang magkakasunod na pangyayari mula sa pamamaril, pagsusuri sa CCTV at pagtugis sa mga getaway vehicle.

(JULIET PACOT)

72

Related posts

Leave a Comment