3 NAWAWALA, 10 NAILIGTAS SA TUMAOB NA MOTORBOAT

PATULOY ang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Binmaley, Pangasinan para sa tatlong residente na nawawala matapos lumubog ang sinasakyan nilang motorboat sa Camaley-Balogo River noong Setyembre 12, 2026.

Bandang alas-11:40 ng gabi nang mangyari ang insidente habang sakay ng motorboat ang 13 katao. Ayon sa ulat ng pulisya, nagsisimula pa lamang maglayag ang bangka nang biglang pumasok ang tubig dito.

Nag-panic ang mga pasahero at nagtalunan sa ilog. Dahil sa malakas na agos, tatlo ang natangay at hindi na agad narekober, habang 10 iba pa, kabilang ang boat operator, ang nailigtas.

Kinilala ang tatlong nawawala na sina Renan Aquino, nasa hustong gulang, residente ng Buntong Palay, Marikina City; Sheryl Castro Soriano Salayog, residente ng Barangay Camaley, Binmaley; at Rian Soriano, 24, residente rin ng Barangay Camaley.

Patuloy ang paghahanap sa tatlo, habang isang bag na pagmamay-ari ng isa sa mga nawawalang biktima ang narekober ng mga awtoridad.

Kbilang sa mga nailigtas ang boat operator na si Mark Joseph Maslog Melendez, 28; Charles Castro Soriano, 31; Jennilyn Tocayon Salvador, 28; Vincent Soriano Salayog, 20; Ronaldo Solis Salayog, 46; Jaymark Jusgaya Villamil, 18; Jerico Soriano Ramirez, 25; at Freddie Castro Soriano, 37, pawang residente ng Barangay Camaley.

Kasama rin sa mga nasagip sina Lawrence Melendez Nisperos, 28, at Gabriel Corichi Viduya, 11, kapwa mula sa Barangay Madayegdeg, San Fernando City, La Union.

(JESSE RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment