CAVITE – Nasa Kustodiya na ng Cavite Police ang tatlong suspek sa panghoholdap sa isang convenience store matapos maaresto sa follow-up operation sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Police Lt. Col. Randy C. Oliquino, hepe ng GMA Police Station, ang naarestong mga suspek na sina Jaime Christ Camerino y Ong, 20; Maricel M. Bautista, 33, at Glenn Urbano y Pacifico, 25-anyos.
Unang naaresto si Urbano sa Barangay Habay 1, Bacoor City, Cavite dakong alas-8:30 ng umaga at narekober ang isang motorsiklong Yamaha Mio 125 na may plakang 968 QSC, at nakarehistro sa kanyang pangalan, at ginamit sa panghoholdap sa nasabing convenience store, P10,000 cash at isang unit ng cellular phone.
Nagpatuloy ang isinagawang hot pursuit operation ng Cavite Police at nakipag-coordinate sa Sta. Rosa, Laguna Police Station kung saan natunton sina Camerino at Bautista sa isang kuwarto sa Hotel SOGO sa dakong alas-9:30 ng umaga. .
Nakuha sa dalawa ng isang kalibre 9mm sa pistol, apat na cellphone tinatayang P1,000 coins, Alfamart goods at blue na Honda Civic na may plakang THJ 946.
Nabatid na ang naarestong mga suspek ay sangkot din sa panghoholdap sa Alfamart Store sa Biga 2, Silang, Cavite noong Hulyo 8, 2023 at Alfamart Store sa Molino 2, Bacoor, Cavite.
Tinatayang P92,000 cash, mga paninda at mga cellular phone ang natangay ng mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
