HAWAK na ng Cavite police ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) na kabilang sa kumidnap sa apat na miyembro ng isang pamilya sa Trece Martires City, Cavite.
Kinilala ang suspek na si Jonald Amador, 36, dating OFW at residente ng Pasig City, habang pinaghahanap pa ang isang Dennis Oligario, alyas “Dong” at tatlong kasamahan nito na pawang nakatakas.
Nasa mabuti nang kalagayan ang naisalbang mga biktimang sina Dina Abilar, 23, anak nitong 1-taon gulang na sanggol, inang si Elena Abilar, 57, at kapatid na si Dorina Abilar, 25, pawang mga residente sa Brgy. San Agustin, Trece Martires City, Cavite
Sa naantalang report ni Lt. Col. Jose Junar Alano ng Trece Martires City Police, dakong alas-3:00 noong Martes ng hapon nang pinasok ng armadong mga suspek ang bahay ng mag-iina sa Brgy.
San Agustin, Trece Martires City at kinaladkad ang mga biktima patungo sa isang puting Mitsubishi L-300 van saka pinasibad patungo sa direksiyon ng Governor’s Drive.
Dahil sa pangyayari, nagsagawa ng follow-up operation ang Trece Martires CPS at nakipag-koordinasyon sa Sta. Lucia Sub-Station ng Pasig City Police, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Amador sa kanyang condominium unit sa Pasig City dakong alas-8:30 ng gabi.
Hindi naman binanggit ang motibo ng pagdukot ng mga suspek sa mga biktima.
Natagpuan sa condo unit ng suspek ang isang kalibre 9mm, mga bala at drug paraphernalia.
Sinampahan ang suspek ng kasong kidnapping at serious illegal detention at paglabag sa Section 28 ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at ang apat pang kasamahan nito. (SIGFRED ADSUARA)
314 