KALABOSO ang top drug personality ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nang inguso ng tatlong dati nang sumabit sa droga na naunang nahuli nang makumpiskahan ang mga dinakip ng higit P1.2 milyong halaga ng shabu sa hiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.
Naunang isagawa ang operasyon sa #194 Heroes Del 96, Brgy. 74, Zone 7, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto kina Jesy Boy Cruz, 38; Prince Kevin Esteve, 25, at Marlon Yuki, 36, pawang dati nang nakulong dahil sa droga at nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.
Nakuha sa tatlo ang 70 gramo ng shabu na may standard drug price na P476,000, marked money, cellphone, digital weighing scale, P900 drug money at drug paraphernalia.
Nang kwestyunin kung sino ang kanilang source ng shabu ay inginuso ng tatlo si alyas Jeff na kanilang “Boss” at pinagkukunan ng ilegal na droga.
Dagling nagsagawa ng follow-up buy-bust operation ang mga operatiba alas-2:00 ng madaling araw sa #28 Guido 4, Brgy. 33, District 2, Zone 3, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeffrey Madera, 40, tricycle driver, matapos paiskorin ng P10,000 halaga ng shabu ang undercover cop.
Nakumpiska kay Madera ang 110 gramo ng shabu na may standard drug price na P748,000, marked money, digital weighing scale at cellphone. (ALAIN AJERO)
316
