10 ALAGANG HAYOP NILASON SA CAVITE

SAMPUNG alagang hayop ang nasawi matapos umanong makakain ng pagkaing may lason na ikinalat sa kalsada sa Barangay Katinga 3, Alfonso, Cavite.

Ayon kay Carl Andrei Fenol, residente sa lugar at isang pet lover, nadiskubre nitong Martes ng umaga na pitong aso at tatlong pusa ang kumpirmadong nasawi.

Pero sinasabing may iba pang residente umanong namatayan din ng mga alagang hayop at agad nang inilibing ang mga ito.

Sa panayam kay Fenol, sinabi nito na bine-verify pa nila kung may iba pang namatay. “Apat pong aso ‘yung nakita namin pero ‘yung sa ilang kapitbahay namin ay sinasabing namatay ang kanilang mga alagang aso at pusa pero inilibing din po nila kaagad nang makita kanina.”

Karamihan sa mga nasawing aso ay mga alagang hindi nakatali o nakakulong at malayang nakalalabas sa kalsada.

May residente rin umanong nakakita ng mga sisidlan na pinaghihinalaang pinaglagyan ng lason sa daga na inihalo sa kanin sa dalawang magkahiwaly na lugar.

Nagdulot ng pangamba at galit sa mga residente ang insidente at hinihiling nilang masuri ang mga CCTV sa lugar upang matukoy kung sino ang nasa likod nito.

Ayon kay Fenol, labis niyang ikinalungkot ang pangyayari dahil ilan sa mga namatay na aso at pusa ay pinakakain niya kapag kanyang nakikitang nagugutom, bukod pa mga alaga niyang aso at pusa sa kanilang bahay.

“Tatlong aso at isang pusa. Hindi sa amin pero pinapakain ko araw-araw. Tapos lalasunin n’yo lang? Sa gumawa nito, sana alam mong hindi simpleng bagay ang ginawa mo. Hindi ka basta makakalusot sa batas,” ayon sa Facebook post ni Fenol.

Ipinaabot na nila sa barangay at pulisya ang pangyayari habang hinihintay ang opisyal na imbestigasyon at kumpirmasyon sa sanhi ng pagkamatay ng mga hayop.

Sa ilalim ng Animal Welfare Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10631, may kaukulang parusa ang pagmamalupit at pananakit sa mga hayop.

(NILOU DEL CARMEN)

62

Related posts

Leave a Comment