15 CHIEF PROSECUTORS SA METRO MANILA, INENDORSO SI ZALAMEDA BILANG SUSUNOD NA CHIEF JUSTICE

INENDORSO ng 15 chief prosecutors sa Metro Manila si Supreme Court Associate Justice Rodil V. Zalameda bilang susunod na Chief Justice dahil sa kanyang kahusayan sa batas, pamumuno at malinis na rekord sa serbisyo publiko.

Sa Resolution No. 03, Series of 2026, sinabi ng NCR Chief Prosecutors Association Inc. na si Zalameda ang pinakakwalipikadong humalili kay Chief Justice Alexander G. Gesmundo, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 6.

Sa resolusyon, nagkaisang inendorso ng asosasyon si Zalameda bilang susunod na pinuno ng Korte Suprema.

Kabilang sa mga lumagda sina Chief Prosecutors Ma. Aileen D. Guño ng Caloocan, Marylin Cynthia Fatima Madamba-Luang ng Las Piñas, Dindo G. Venturanza ng Makati, Rennet D. Evangelista ng Malabon at Elinore Concepcion R. Aquino-Laluces ng Mandaluyong.

Lumagda rin sina Chief Prosecutors Giovanne T. Lim ng Manila, Laurence Joel M. Taliping ng Marikina, Aileen Marie S. Gutierrez ng Muntinlupa, Armando H. Cavalida ng Navotas at Benjamin S. Vermug Jr. ng Parañaque.

Kabilang din sina Chief Prosecutors Elmer Cris L. Rillo ng Pasay, Rey Camilo B. Dumlao II ng Pasig, Vimar M. Barcellano ng Quezon City, Vincent M. Villena ng Taguig at Lemuel B. Nobleza ng Valenzuela.

Nagsimula ang karera ni Zalameda bilang prosecutor sa Mandaluyong noong 1995 at naging city prosecutor noong 2002. Nagsilbi rin siya bilang mahistrado ng Court of Appeals sa loob ng 11 taon bago italaga sa Korte Suprema noong 2019.

Siya ang kauna-unahang dating city prosecutor na naging mahistrado ng Korte Suprema.

Ayon sa asosasyon, pinatutunayan ng mahabang karanasan ni Zalameda sa larangan ng batas ang kanyang dedikasyon sa katarungan, kakayahan sa pamumuno at husay sa pangangasiwa.

Binigyang-diin din ng grupo na taglay niya ang karanasan at malinis na rekord na kinakailangan upang pamunuan ang hudikatura at mapanatili ang tiwala ng publiko.

Nagkakaisang inaprubahan ang resolusyon noong Setyembre 2 sa Muntinlupa City at pinagtibay ni Guño bilang corporate secretary ng asosasyon.

(JULIET PACOT)

130

Related posts

Leave a Comment