TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi ito maglalabas ng anomang “shoot-to-kill order” laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng nagpapatuloy na manhunt operation upang maipatupad ang arrest warrant laban sa senador.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., hindi bahagi ng mandato ng pulisya ang paggamit ng pamamaraang shoot-to-kill dahil tungkulin nilang ipatupad ang batas at hindi gumawa ng sariling batas.
Binigyang-diin ni Nartatez na dapat igalang sa lahat ng operasyon ang karapatang pantao at rule of law, at hindi dapat gumamit ng labis na puwersa ang mga awtoridad.
Naglabas ng pahayag ang PNP matapos itanggi ni Cagayan de Oro 1st District Representative Lordan Suan ang kumakalat na mga post sa social media na nagsasabing nanawagan siya ng resolusyong shoot-to-kill laban kay Dela Rosa. Ayon kay Suan, gawa-gawa lamang ang naturang pahayag.
Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang nagtapos noong Oktubre 30 ang isang linggong palugit na ibinigay ng PNP sa senador upang kusang sumuko. Gayunman, nagpapatuloy ang intelligence at monitoring operations ng mga awtoridad upang matukoy ang kanyang kinaroroonan at maipatupad ang warrant.
Ayon kay Nartatez, nauunawaan ng PNP ang panawagan ng publiko para sa pananagutan ngunit hindi dapat isakripisyo ang legal na proseso sa paghahangad ng katarungan.
Inatasan din niya ang lahat ng yunit ng pulisya na pairalin ang pinakamataas na antas ng pagpipigil at tiyaking naaayon sa pangangailangan ang puwersang gagamitin sa pagpapatupad ng arrest warrant.
Binigyang-diin ng PNP chief na nakasalalay ang kredibilidad ng kapulisan hindi lamang sa kakayahang magpatupad ng batas kundi maging sa disiplina at pagsunod sa mga limitasyong itinakda ng batas.
(JESSE RUIZ)
118 