RAPIDO NI PATRICK TULFO
KINUKWESTYON ngayon ang Parañaque City PNP (Philippine National Police) dahil sa paghuli at pagkulong sa apat na Chinese nationals na kinilalang sina Miao Ying, Hu Yi, Ling Lang Ping at Li Huanhuan.
Dinakip ng Parañaque City PNP ang nasabing mga dayuhan noong Setyembre 16 dahil sangkot umano ang mga ito sa prostitusyon.
Ang nakapagtataka dito ay hanggang sa ngayon ay wala pang naisasampang kaso laban sa mga ito kung totoo silang may ilegal na ginagawa sa bansa.
Sa sulat na ipinadala ng abogado ng mga dayuhan na si Atty. Iris Sylvia Bonifacio kina P/Col. Reycon Garduque na siyang Officer-in-Charge ng Parañaque City PNP, at P/Maj. John Patrick Magsalos, station commander ng Tambo Parañaque City Police Substation, malinaw na illegal detention na ang ginagawa sa kanyang mga kliyente na ngayo’y 14 na araw nang nakapiit.
Ayon sa ating batas, maaari lamang makulong ang isang akusado ng 12-hrs kung mababaw lamang ang kanyang kaso, 18-36 hrs para sa mabibigat na kaso, at pasok dito kahit na ikaw ay isang Filipino o dayuhan.
Batay sa papel ng Chinese nationals, pumasok nang legal sa bansa ang mga ito na may karampatang papeles kaya’t nakapagtatakang dinampot ng mga pulis at hindi pa rin nakakasuhan hanggang sa ngayon.
Kaya nagbanta na ang abogado ng mga ito na magsasampa ng kasong illegal detention at kasong administratibo laban sa mga pulis kung hindi pakakawalan ang mga dayuhan.
Hindi kaya kaso ito ng “Hulidap” kung saan ang biktima ay ikinukulong at hindi kinakasuhan para magbayad na lang para sa kanilang kalayaan?
