4 CHINESE NATIONALS ARESTADO SA CYBER FRAUD

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese national na umano’y sangkot sa mga aktibidad ng cyber fraud, sa isinagawang intelligence-driven operation sa pinaghihinalaang ilegal na mga aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Muntinlupa City.

Nag-ugat ang operasyon mula sa intelligence monitoring na isinagawa ng BI kaugnay ng mga ulat tungkol sa patuloy na operasyon na may kaugnayan sa POGO sa Montillano Street, Alabang, Muntinlupa City.

Dahil dito, naglabas ng kautusan si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na nag-aatas sa BI Fugitive Search Unit (FSU) na beripikahin ang ulat at magsagawa ng nararapat na aksyon laban sa iniulat na ilegal na aktibidad.

Ayon sa ulat ni FSU Chief Rendel Sy, naaktuhan ang apat na Chinese national na aktwal na nagsasagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa cyber fraud.

Kinilala ang mga ito na sina Qiao Zhong, 30, undocumented foreign national; Tang Ke, 31, overstaying foreign national na walang kaukulang visa; Liu Peng, 35, overstaying foreign national; at Zhang Caiyu, 42, overstaying foreign national na may umiiral na blacklist order at kinilalang dating POGO worker.

Samantala, pinuri ni Commissioner Viado ang mga tauhan ng FSU sa kanilang agarang pagkilos at patuloy na pagbabantay sa pagtugis at pagdakip sa mga dayuhang sangkot sa ilegal na mga aktibidad.

Hinimok din ng BI chief ang publiko na agad iulat ang anomang impormasyon o napapansing mga aktibidad na kinasasangkutan ng mga dayuhang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na gawain sa bansa.

Maaaring isumite ang mga ulat sa BI hotline sa (+632) 8-465-2400, o sa pamamagitan ng email sa immigPH@immigration.gov.ph at xinfo@immigration.gov.ph

(JOCELYN DOMENDEN)

79

Related posts

Leave a Comment