APAT na Chinese national at isang Pilipina ang natimbog matapos kidnapin umano ang negosyanteng kanilang kababayan, sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad sa hideout ng mga ito sa Sta. Ana, Manila noong Linggo.
Pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code (kidnapping and serious illegal detention) ang mga suspek na kinilalang sina Bo Wen Li, 31; Ma Jian Cun, 23; Yan Ming, 25; Wu Jin Mai, 25, pawang nanunuluyan sa #2331 Garrido St., Sta. Ana, Manila at isang Pinay na si Mary Joy Segador , 29, lover ng isa sa mga suspek.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., station commander ng Manila Police Station 6, bandang alas-11:00 ng gabi noong Linggo nang masakote ang mga suspek sa kanilang hide-out sa naturang lugar.
Nauna rito, humingi umano ng ransom money na halagang P300,000 ang mga suspek kapalit ng kalayaan ng biktimang si Zheng Haoang, businessman, ng Garrido St. sa Sta. Ana.
Lingid sa mga suspek, isang Antonio Cuyugan ang nag-report sa naturang himpilan ng pulisya hinggil sa insidente kaya agad na ikinasa ang pagsalakay ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)
238 