GUMULONG na ang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang Ateneo cagers matapos maglabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay dating Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin at apat pang indibidwal.
Kasama sa inilabas na lookout order sina team manager Epok Quimpo, Reynaldo Jacinto Jr., Dean Castaño at Sandro Soriano.
Ayon kay DOJ Secretary Fredderick Vida, layunin ng ILBO na mamonitor ang mga indibidwal sakaling magtangkang bumiyahe palabas ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Let me emphasize that an ILBO is a monitoring mechanism. It is intended to alert authorities should the subjects attempt to travel abroad while the investigation is ongoing,” ani Vida sa isang press briefing.
Nilinaw ng kalihim na hindi travel ban ang ILBO at hindi rin ito nangangahulugang may pananagutan na ang mga isinailalim sa lookout order.
“The investigation remains ongoing and the department stands ready to undertake its mandate once a complaint is formally filed,” dagdag niya.
Hinimok din ng DOJ ang publiko na hayaan ang mga law enforcement agencies na gawin ang kanilang trabaho at iwasan ang mga haka-haka habang patuloy na kinakalap at sinusuri ang mga ebidensya sa kaso.
(JULIET PACOT)
52 