ANIM na miyembro ng komunistang New People’s Army ang napaslang ng militar habang nasa 15 matataas na kalibre ng baril ang nasamsam sa dalawang sagupaan sa area of responsibility (AOR) ng 4th Infantry Division ng Philippine Army.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni 4th ID commander, Maj. General Romeo Brawner Jr., dalawang magkahiwalay na engkwentro ang nangyari sa Malaybalay City, Bukidnon at Butuan City sa Agusan del Norte noong Martes ng hapon.
Unang naglunsad ng focus military operation ang pinagsanib na puwersa ng 1st Special Forces Battalion (1SFBn), na pinamumunuan ni Lt. Col. Vercisio G. San Jose Jr., at 8th Infantry Battalion (8IB), sa ilalim ng
pamumuno ni Lt. Col. Edgardo V. Talaroc Jr., laban sa National Operations Command (NOC) ng CPP-NPA, KOMMID, at Regional Operations Command (ROC), Headquarters Forces Neo (HQF NEO), Regional Sentro De Gravidad Compaq (RSDG COMPAQ), at Guerilla Front 89 (GF-89) ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC).
Sinalakay ng Special Forces Teams ng 1st Special Forces Battalion na nasa ilalim ng 403rd Infantry Brigade ng 4th ID, ang pinagkukutaan ng mga rebeldeng NPA sa Sitio Cogon, Brgy. Manalog, Malaybalay City, Bukidnon bandang alas-6:45 ng umaga.
May 15 kasapi ng communist terrorist group na nakapaloob sa HQF NEO at RSDG COMPAQ, kapwa nasa ilalim ng NCMRC, ang nakasagupa ng militar.
Limang bangkay ng NPA ang inabandona ng kanilang mga kasamahan sa pagtakas, ang nadiskubre ng mga sundalo sa isinagawang clearing operation na nagresulta sa narekober na 11 high-powered firearms na kinabibilangan ng anim na AK47 rifles, dalawang M16 rifles, tatlong M653 rifles, at isang caliber .45 pistol at iba’t ibang war materials.
Bandang alas-3:00 ng hapon, isang engkwentro rin ang naganap sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Bugsukan, Butuan City, Agusan del Norte nang masabat ng pinagsanib na puwersa ng 15SAC, 1SAB, PNP SAF at 65th Infantry Battalion (65IB) ang isang grupo ng fully armed CNTs.
Isang communist terrorist NPA na kinilalang si Alias Jimboy (LN: Anduhoyan) ng Sandatahang Yunit Pampropaganda 21A (SYP21A), GF21, Sub-Regional Committee (SRC) Westland ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC), ang napatay at dalawang M16 rifles with magazines, at isang 1 M203 40MM grenade launcher ang nabawi ng government forces.
Ayon kay MGen. Brawner, walang nalagas sa kanyang mga tauhan kaya pinapurihan nito ang 403rd Brigade, sa pangunguna ni Brigadier General Ferdinand T. Barandon, at maging ang 1SFBn kaugnay sa nasabing military offensive sa Bukidnon.
Pinapurihan din ni Brawner ang 1st Special Action Battalion (1SAB) ng PNP’s Special Action Force (SAF) at 65IB sa kanilang operasyon sa Butuan City.
Ayon kay MGen. Brawner, ngayong Setyembre lamang ay may 11 government initiated encounters ang naganap na nagresulta sa neyutralisasyon sa 34 CTG members at pagbawi sa 56 high powered at apat na low-powered firearms, at may CTG hideouts ang nadiskubre at nakubkob ng mga tauhan ng 4ID. (JESSE KABEL)
