Sa manhunt ops ng PNP-PRO5 TOP 1 MOST WANTED NPA, TIMBOG SA MASBATE

DETERMINADO ang PNP-Police Regional Office 5 na wakasan na ang karahasan ng New People’s Army kaya mas pinaigting ang pagtugis sa mga kasapi ng communist terrorist group upang pagbayarin sa kanilang krimeng nagawa. Ito rin ay upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO5 Public Information officer P/Major Malou Calubaquib, nahulog sa kamay ng batas ang top 1 most wanted person ng San Pascual, Masbate.

Ang arestado ay kinilalang si Noe Cuervo y Casinillo, 45-anyos, may asawa, residente ng Sitio Calumpang, Brgy. Mabini, San Pascual, Masbate.

Ayon kay Maj. Calubaquib, si Cuervo ay nahuli matapos ang engkwentro sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo.

Sinasabing regular na kasapi ng NPA sa ilalim ng kumand ni Eliseo Cabarles Jr. alyas “Kiko,” commanding officer, Platoon 2, Larangan 1, Komite ng Probinsya 4, ang nadakip na rebelde.

Si Cuervo ay nahaharap sa patung-patong na kasong murder sa ilalim ng kasong kriminal 17881 na inilabas ng korte noong Hulyo 2016; arson sa

ilalim ng kasong kriminal na 17665 na may piyansang P24,000; frustrated murder sa kasong kriminal na 17666 na may piyansang P200,000; at isa pang kasong murder sa ilalim ng 19733 na walang piyansa.

Ang naturang akusado ay nasa kustodiya na ng San Pascual MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

“Ang PNP Bicol kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno ay maluwag sa pagbibigay ng pagkakataon sa ating mga kapatid na nalinlang at nalihis ng landas. Ang nais natin ay kooperasyon mula sa mga miyembro nito na nais magbagong buhay, ‘wag kayong matakot dumulog sa aming himpilan nang kayo ang matulungan. Itigil na ninyo ang madugong pakikipaglaban at piliing mamuhay nang tahimik kasama ang inyong mahal sa buhay,” ayon kay PNP-PRO5 Regional Director, P/BGen. Jonnel C. Estomo. (JESSE KABEL)

161

Related posts

Leave a Comment