63 CHINESE, 13 PINOY HULI SA NCRPO OPS VS ILLEGAL POGO SA MAKATI

UMABOT sa 63 na mga Chinese  at labing tatlong  Filipino ang nadakip sa operasyong pinamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa isang ilegal na kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Lungsod ng Makati umaga ng Miyerkoles.

Ayon sa ulat ng Public Affairs Office (PIO) ng NCRPO, na pinamumunuan ni Major Britz Estadilla, hindi pumalag ang mga nahuling empleyado sa POGO company na pag-aari ng isang “Xiao Bao.”

Bago magkaroon ng “enhanced community quarantine’ (ECQ) dulot ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19), marami nang Intsik na sangkot sa POGO operation at prostitusyon ang nadakip ng pulisya ng Makati sa pamumuno ni Col. Rogelio Simon.

Nakarating sa NCRPO ang operasyon ng ilegal na negosyong online gambling ni Bao dahil sa impormasyon ng “confidential informant.’

Pinatunayan ng rekord mismo ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng pamahalaang lungsod ng Makati na hindi rehistrado ang online gambling ni Bao.

Idiniin din sa kalatas ng PIO ng NCRPO na labag sa kautusan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang operasyon ng POGO sa panahong mayroong ECQ.

Problema, hindi nahuli si Bao dahil wala siya nang isagawa ang operasyon ng NCRPO – Regional Special Operations Group (RSOG) sa ilalim ng liderato ni Major General Debold Sinas sa gusaling matatagpuan sa Bilang 8884 Obrero Street, Brgy. Olympia.

Ganap na 11:30 ng umaga kahapon, Mayo 5 isinagawa ang operasyon ng NCRPO – RSOG.

Ayon kay Estadilla, pinasok ng operatiba ng RSOG, kasama ang mga tauhan ng Southern Police District – District Intelligence Division and Special Operations Unit (SPD – DIDSOU), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng SPD at pulisya ng Makati ang mga kuwartong may numerong 402, 403, 404, 405, 406 at 409.

Kasama rin ang BPLO at pamahalaang barangay ng Olympia sa nabanggit na NCRPO operation.

Ayon kay Estadilla, ang mga nakumpiska sa operasyon ay 75 pirasong laptop, 13 pirasong keyboards at mouse, 414 pirasong cellular phones, 51 pirasong internet modems, 11 pasaporte ng mga Intsik, 23 piraso ng IDs, cash na ang kabuuang halaga ay P115,200, 6 na karton ng iba’t ibang klaseng computer cable at wires, 42 pirasong adaptor na puti ang kulay, isang Check booklet mula sa Security Bank, tatlong maliliit na karton na may lamang Globe cellphone cards, dalawang pirasong monitor, isang speaker at 38 pirasong pera ng ibang bansa na ang halaga ay 126 Chinese Yuan at US$16.

Sa pamamagitan ng e- inquest proceedings, sinampahan si Bao, ang 63 Intsik at 13 Filipino sa Manila City Prosecutors Office ng mga kasong kriminal dahil sa paglabag umano sa Presidential Decree 1602 na inamiyendahan ng Republic Act No. 9287 na may kaugnayan sa Seksiyon 6 ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act) at Artikulo 151 ng Revised Penal Code at isang probisyon sa Seksiyon 9 ng batas sa pagkilos hinggil sa “notifiable disease or health events of public concern.”

Ang mga nadakip ay pansamantalang ikinulong sa bilangguan ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, banggit ni Estadilla.

Ipinaliwanag ni NCRPO Director Sinas na kailangan ng “cooperation from all the people in Metro [Manila], including  our foreign friends who are staying here to please observe due compliance to all existing laws, especially the further extended ECQ (enhanced community quarantine) protocols to alleviate the difficulties brought by this pandemic not just to our frontliners but to each of us alike.” NELSON S. BADILLA

205

Related posts

Leave a Comment