NAILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang walong pasaherong patungong Indonesia matapos mapag-alamang posibleng biktima sila ng ilegal recruitment gamit ang tinatawag na “catphishing” modus.
Ang walong pasahero, edad 26 hanggang 49, ay binubuo ng limang lalaki at tatlong babae.
Sila ay hinarang noong Agosto 7 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 habang naghahandang bumiyahe patungong Surabaya, Indonesia, sa pamamagitan ng Malaysia.
Sa unang pagtatanong, sinabi ng mga pasahero na pupunta sila sa Indonesia para sa limang araw na bakasyon at kasama umano ang kanilang mga dating katrabaho sa isang call center sa Makati City.
Gayunman, napansin ng mga immigration officer ang ilang hindi pagkakatugma sa kanilang mga pahayag, kabilang ang hindi nila pagkakakilala sa ilan sa mga sinasabing kasama nila sa biyahe.
Sa isinagawang masusing pagsusuri, lumabas na inimbitahan pala ang mga pasahero na magtrabaho sa Indonesia bilang customer service representatives, na may ipinangakong sahod na US$1,000 hanggang US$1,500 kada buwan.
Pero natuklasan ng mga awtoridad na lima sa mga pasahero ay dati nang nagtrabaho sa Cambodia at Myanmar, habang dalawa sa kanila ang iniulat na umalis sa nasabing mga bansa sa pamamagitan ng tinatawag na “backdoor” routes.
Isa sa mga pasahero ang dati nang na-repatriate mula Myanmar matapos umanong mabiktima ng human trafficking. Samantala, isa pa ang dati umanong nagtrabaho bilang guro sa Thailand kahit tourist visa lamang ang hawak nito.
Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy pa ring ginagamit ng mga trafficker ang “catphishing” recruitment upang makahikayat ng mga Pilipino, partikular ang mga naaakit sa mga trabahong may mataas na sahod sa ibang bansa.
Ayon sa BI chief, mas nakababahala dahil ilan sa mga pasahero ay nakaranas na umano ng pagsasamantala sa ibang bansa, nailigtas o na-repatriate na, ngunit muli pa ring nalalagay sa panganib dahil sa panibagong recruitment scheme.
“Patuloy na nagbabago ang mga taktika ng mga trafficker, ngunit nananatili ang parehong pattern: kaakit-akit na job offer, pangakong mataas na sahod, at maingat na mga kuwentong idinisenyo upang makuha ang tiwala ng biktima,” dagdag ni Viado.
Hinimok niya ang mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking beripikado ang trabaho, recruiter, employer at mga kinakailangang dokumento bago umalis ng bansa.
Muling pinaalalahanan ng BI ang publiko na huwag basta umasa sa mga pangako ng mga online contact o recruiter. Sa halip, dapat tiyaking lehitimo ang overseas employment opportunity sa pamamagitan ng mga awtorisado at lehitimong government channels.
Matapos ang interception, ipinakustodiya ang walong pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa assessment, assistance at nararapat na intervention bilang mga potensyal na biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
(JOCELYN DOMENDEN)
52 