Memoryado at may template ang sagot ILANG SENADOR ‘SURRENDER’ KAY ACOSTA

SA ika-17 araw ng impeachment trial, halos sumuko ang ilang senator-judge sa pagtatanong kay dating Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta dahil sa umano’y paulit-ulit at tila “template” na mga sagot nito hinggil sa pagdidisburse ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sumentro ang pagtatanong ng ilang senador sa pagbibigay ni Acosta ng buong confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica, na noon ay security officer ni Vice President Sara Duterte.

Binusisi nina Senator Judges Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Juan Miguel “Migs” Zubiri, Panfilo Lacson, Tito Sotto at Joel Villanueva kung bakit, sa kabila ng mabigat na pananagutan bilang SDO, halos ipinagkatiwala ni Acosta kay Lachica ang pagpapalabas at paggamit ng pondo.

Paulit-ulit naman ang sagot ni Acosta na ibinigay niya ang pondo kay Lachica batay sa utos ni Vice President Sara Duterte at nagtiwala siya sa mga dokumentong ibinigay sa kanya ni Lachica kaugnay ng paggamit ng pondo.

Binigyang-diin ni Acosta na ang atas sa kanya ni Duterte ay agad na ibigay ang pera kay Lachica sa sandaling ma-encash ang pondo.

Sa pagtatanong ni Senator Judge Panfilo Lacson, sinabi ni Acosta na ang unang withdrawal na P125 milyon noong 2022 ay hindi na niya naipasok sa kanilang vault dahil agad niya itong ibinigay kay Lachica. Ang tatlo pang tig-P125 milyon ay naibigay naman umano sa tatlong magkahiwalay na tranche.

Sinubukan pang busisiin ni Lacson ang paglagda ni Acosta sa mga dokumento kahit hindi niya nakumpirma kung sino mismo ang mga tumanggap ng pera.

Sa huli, sinabi ni Lacson na wala na siyang makuha pang sagot kay Acosta.

Sinubukan naman ni Senate President Tito Sotto na alamin kung naniniwala si Acosta na kayang pangasiwaan ni Lachica ang paggastos ng P125 milyong confidential funds noong 2022 na iniulat na ginastos sa loob lamang ng 11 araw sa 132 areas.

Ngunit itinigil ni Sotto ang kanyang pagtatanong matapos muling sabihin ni Acosta na si Lachica ang eksperto sa implementasyon ng confidential activities.

“Hindi ko na gustong marinig ang template na sagot,” ayon kay Sotto.

Samantala, sa unang pagkakataon ay nagtanong si Senator Judge Lito Lapid kaugnay ng pagkakabanggit sa kanyang apelyido sa mga recipient ng confidential funds.

Tinanong ni Lapid si Acosta kung paano matitiyak na totoong tao ang mga nakalistang recipient at hindi lamang ginamit ang kanilang mga pangalan sa paglabas ng pondo.

“Pasalamat ako kung totoong Lapid. Kung nabigyan ang kamag-anak ko, kung alyas ‘yun, paano ang pangalan at apelyido namin, inalyas n’yo lang pala, di pala totoong tao,” diin ni Lapid.

Kaparehong concern ang binanggit ni Senator Risa Hontiveros dahil nabanggit din ang kanyang apelyido sa isa sa mga nakalistang tumanggap ng pondo na iniulat na inilabas noong kanyang kaarawan, Pebrero 24, 2023.

“Memorized Na”— Prosecution

TILA saulado na umano ni dating SDO Gina Acosta ang kanyang mga sagot sa pagpapatuloy ng kanyang testimonya sa Senate Impeachment Court, ayon naman sa House prosecution team.

Napansin ng mga mambabatas ang paulit-ulit na tugon ni Acosta sa Senado na malaki umano ang pagkakaiba sa paraan ng kanyang pagsagot noong mga naunang pagdinig sa Kamara.

Ibinahagi nina House Prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores at Prosecution Spokesperson at Adviser Ace Barbers ang obserbasyon na tila “memorized” ang mga sagot ni Acosta.

“Hindi ko naman siya sasabihing na-coach. Pero if you can observe, paulit-ulit iyong isang phrase lang na answer niya na parang na-memorize na answer,” ani Flores.

Paliwanag ni Flores, ibinatay niya ang kanyang obserbasyon sa personal na pagkakakita kay Acosta sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 kung saan tinalakay ang paghawak sa mga pondo ng OVP.

“Iba iyong pagsagot niya noon. Very much responsive siya,” aniya.

Sa impeachment trial, paulit-ulit na sinabi ni Acosta na umasa lamang siya kay Col. Raymund Dante Lachica dahil eksperto umano ito sa seguridad, nagpapatupad ng mga operasyon sa field at nagbibigay sa kanya ng mga rekord ng paggamit ng pondo.

Ayon kay Flores, lumalabas ang parehong sagot kahit iba-iba ang itinatanong tungkol sa pagpaplano, disbursement, pag-verify at liquidation ng confidential funds.

Sumang-ayon din si Barbers sa obserbasyon ni Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan na tila iniiwasan ni Acosta ang mga direktang tanong.

(Ulat nina DANG SAMSON-GARCIA/TINA MENDOZA)

60

Related posts

Leave a Comment