(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T sa Hulyo 22 pa ang botohan sa plenaryo ng Kamara para sa speakership at iba pang posisyon sa gobyerno, inilalatag na ng ibang political party ang kanilang susuportahang kandidato.
Sa statement ni National Unity Party (NUP) chair Ronaldo Puno, pinili ng mga ito si Taguig-Pateros Congressman-elect Allan Peter Cayetano bilang kanilang manok sa speakership.
Ayon kay Puno, susuportahan umano ng kanilang partido ang kandidato sa speaker na may kakayahang mamuno sa Kamara at kayang ipatupad ang mga programa at polisya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“For these reasons, the NUP leadership is supporting for Speaker of the House of Representatives Former Congressman, former Senator, former Foreign Affairs Secretary and now Congressman-elect Alan Peter Cayetano, who is someone all Congressmen can count on and look up to,” ani Puno.
Si Cayetano ay kasapi ng Nationalista Party (NP) na mayroong 43 miyembro ng Kamara sa 18th Congressmen habang ang NUP ay nakapagpanalo ng 27 upuan sa Kongreso noong nakaraang eleksyon.
Ang NUP na dating Kabalikat ng Malayanag Pilipino (KAMPI) ni dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang unang political party o grupo sa Kamara na naglatag ng kanilang baraha.
Kabilang sa matunog na pangalan sa speakership ay sina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ng Lakas-CMD at Marinduque Rep. Lord Alan Jay Velasco ng PDP-laban na pawang malalapit umano kay Pangulong Duterte.
Dahil hanggang tatlo o higit pa ang inaasahang tatakbo sa speakership ay paramihan ang mga ito ng boto subalit para masiguro ang majority votes ay kailangan ang makuha ng mga ito ang 153 votes mula sa 304 na miyembro ng 18th Congress na bagama’t sa Hulyo 1 na magsisimula ay sa Hulyo 22 pa iboboto ang mamumuno sa Kapulungan.
