UMAYUDA si Cong. Fidel Nograles ng 2nd District ng Rizal katuwang ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ng Montalban na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Sina Nograles at DA Secretary William Dar ay personal na nagtungo sa Brgy. Macabud, Montalban, Rizal upang mamahagi ng tulong.
Ayon kay Nograles, isa sa mga pinaka naapektuhan ng ASF ay ang kanyang distrito partikular sa nasabing barangay sa Montalban. Base sa talaan, aabot ng 1, 700 hog raisers ang naapektuhan ng ASF sa buong Rizal at 711 mula sa Montalban.
Inihayag naman ni Dar na mayroong inilaan na P35 milyon bilang indemnification sa mga magsasaka ng Rizal.
Kaugnay nito, hinikayat ni Dar ang mga magsasaka ng Rizal na iwasan munang mag-alaga ng baboy habang nananalasa ang ASF.
Kasabay nito ang pamimigay nila ng bagitong mambabatas ng baka, kambing, manok, iba’t ibang produkto at kagamitan sa pagsasaka tulad ng fertilizer at push cart na may kabuuang halaga na P40 milyon.
Binanggit din ni Nograles na mayroon siyang pinamimigay na financial assistance sa bawat magsasaka sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa nasasakupan ng 2nd District ng Rizal.
Plano rin ni Nograles na ipagawa ang kalsadang magdurugtong sa Brgy. Macabud hanggang Quezon City para mapabilis ang pagdadala ng produkto ng mga magsasaka ng Montalban patungo sa iba’t ibang pamilihan sa siyudad.
Nakikipag-ugnayan na ang mambabatas sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa naturang farm to market road project. JOEL O. AMONGO
