JOBLESS SA COVID-19, ISAMA SA 4Ps

UPANG maagapan ang pagdami ng mahihirap, ipinasasama ng isang mambabatas sa Kamara sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang mga nawalan at mawawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease 2019.

Ginawa ni 1Pacman party-list Rep. Mikee Romero ang mungkahi dahil tiyak na marami aniya ang mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 na magiging dahilan ng pagdami muli ng mahihirap sa bansa.

“Kailangang i-recalibrate ang 4Ps estimates. Sa tantiya ko, babalik sa higit 20% ang poverty rate natin o higit 4 million families. Maaaring dumoble rin ang unemployment numbers,” ani Romero.

Nabatid sa mambabatas na sa kasalukuyan ay umaabot sa 17.5 Million Filipinos ang nabubuhay sa “below proverty line” at malamang ay papalo ito sa 20 milyon dahil maraming magsasarang negosyo matapos maapektuhan sa enhanced community quarantine.

Walang datos ang inilabas ng mambabatas kundi ilang milyong manggagawa ang inaasahang mawawalan ng trabaho o walang babalikang trabaho pagkatapos ng ECQ pero ang mga maaapektuhan ay manggagawa sa maliliit na negosyo.

Sa ngayon ay mahigit 3.9 milyong pamilya ang beneficiaries ng 4Ps subalit dahil matindi umano ang epekto ng COVID-19 sa mga maliliit na negosyo sa bansa ay kailangang isama umano ang mga mawawalan ng trabaho.

Sa ilalim ng 4Ps, binibigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng buwanang P1,500 ang mga pamilyang mahihirap sa bansa kapalit ng mga kondisyon tulad ng ‘huwag patigilin ang kanilang mga anak sa pag-aaral, laging magpapa- check-up at iba pa’. BERNARD TAGUINOD

343

Related posts

Leave a Comment