UMAPELA ang Malakanyang sa publiko na sundin ang ‘home quarantine’ rules at physical distancing. Inamin ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi pa rin naibababa ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) gayung dalawang linggo na lamang ang itatagal bago mag-expire ang Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.
Aniya, patuloy pa rin kasi ang pagtaas ng kaso ng infected ng virus na umabot na sa 5,453 kung saan mula sa nasabing bilang ay 349 ang namatay habang 353 naman ang gumaling.
“Nakikita po natin na tumaas, bumaba at pataas pa rin po ang COVID cases. Nakakalungkot po na bagamat tayo po’y na- extend ng ECQ ay hindi pa rin natin napa-fatten ang curve,” ayon kay Sec. Roque.
Noong nakaraang buwan ay ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mahigpit na quarantine measures sa Luzon para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ang Luzon-wide quarantine ay nakatakda sanang bawiin noong Abril 13 subalit pinalawig ng Punong Ehekutibo ng hanggang Abril 30.
At sa tanong kung mapapababa ba ang kaso ng COVID-19 bago ang Abril 30, ay sinabi ni Sec. Roque na “In an ideal world dapat ipagpatuloy ang ECQ pero ang realidad nga ay kinakailangan din magkaroon ng kabuhayan ang ating mga kababayan.”
“Humahanap tayo ng balanse between ‘yung obligasyon ng estado na protektahan ang kalusugan ng mga mamamayan [at] doon naman sa karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng hanapbuhay,” aniya pa rin.
Samantala, inatasan na ni Pangulong Duterte ang kanyang economic team at ilang government officials na maghanda ng recovery plan bago pa ang expiration ng quarantine. CHRISTIAN DALE
185 