TIYAKING panlaban sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) lamang gagamitin ang P6.197 bilyong Bayanihan Grant to Provinces (BGP).
Ito ang “direktiba” ni Interior Secretary Eduardo Año sa 81 gobernador ng mga
pamahalaang lalawigan makaraang mabigyan sila ng kani-kanilang BGP nitong nakalipas na linggo.
Ani Año, “I urge the governors to utilize the [P6.197] BGP in a quick and efficient way and at the same time be transparent and accountable in its use to address the Covid-19 crisis in their respective localities.”
Ang naturang pondo ay ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Abril 13 sa Department of the Interior and Local Governent (DILG) upang magkaroon ng pondo ang 81 pamahalaang panlalawigan sa kanilang pagsugpo sa COVID – 19.
Idiniin sa press statement ng DILG na batay sa DBM Local Budget Circular No. 126, ang P6.197 bilyong BGP “shall be exclusively used for the Covid-19 response related purposes and subject to existing procurement, budgeting, accounting and auditing rules and regulations.”
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya na dapat gamitin ng mga gobernador ang pondong ibinigay sa kanila upang tustusan ang “personal services expenditures, such as salaries, wages, overtime pay, and other personnel benefits, including Hazard Pay, … Special Risk Allowance… administrative expenses, such as office supplies, meetings, communication, water and electricity, petroleum products, other general services, and the like” ng 81 pamahalaang panlalawigan.
“Sundin po natin ng maigi ang guidelines ng DBM nang sa gayun ay matapos itong krisis ay wala tayong kahaharaping problema tungkol sa paggamit ng pondong inilaan sa Covid-19 pandemic,” tugon ni Malaya.
Ayon sa DBM, maaari lamang gamitin ang P6.197 bilyon hanggang Abril 30, ang huling araw ng “enhanced community quarantine” (ECQ).
Pagkatapos nito ay obligado nang ibalik ng mga gobernador sa National Treasury (NT) ang perang hindi nagamit. NELSON S. BADILLA
155 