MULING bubuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang voter registration period para sa national election sa 2022 simula sa Martes, Setyembre 1, 2020.
Subalit sa lungsod ng Maynila, may kaunting pagbabago sa ipatutupad na proseso ng pagpaparehistro bilang pagtugon na rin sa pinaiiral na minimum health requirement bunsod ng pandemya sacoronavirus.
Ayon kay Atty. Gregorio Bonifacio, Comelec election officer IV, kailangan munang magpa-schedule ang mga nais magparehistro para sa darating na halalan bago pumunta sa kanilang opisina sa Arroceros, dahil na sa kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Kailangan umanong matiyak na mapanatili ang physical distancing kaya’t lilimitahan nila ang dami ng tao na pwedeng pumunta para magparehistro kada oras.
Maaari nang magpa-schedule ang mga nais magparehistro sa pamamagitan ng mensahe sa Facebook page ng Comelec sa facebook.com/comelec.ph.
Kapag nakapagpa-schedule na, may print-out ng registration form na makukuha naman sa website ng Comelec at kumpleto na dapat ito ng detalye bago pumunta sa opisina nila at magdala ng ballpen at ID. Dapat ding nakasuot ng facemask at faceshield. Magtatapos sa October 2021 ang voter registration period. (JESSE KABEL)
215 