3 ARESTADO SA SANLA-KOTSE HOLDAP MODUS

ARESTADO sa mga tauhan ng Manila Police District sa inilatag na manhunt operation ang tatlo sa anim na mga suspek, kabilang ang isang babae, sa sanla-kotse holdap modus, sa Malate, Manila.

Ang mga suspek na sina Richard Cuason y Rosel, 37, buy and sell agent; Jerwin Gaviries y Flores, 23; mekaniko, at Winnie Cyrene Soriano y Lopez, 25, ay nasa kustodiya na ng MPD-Station 5, habang patuloy na tinutugis ang tatlo pa nilang kasamahan na si Felizardo Salonga, 39; barangay kagawad sa Brgy. 407, Zone 42, Sampaloc, Manila, at dalawang hindi pa kilalang lalaki.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong robbery with violence and intimidation sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code.

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander ng MPD-Station 5, bandang alas-10:25 ng gabi nang mangyari ang transaksyon sa pagitan ng negosyanteng si Byron Patricio, 43, may asawa, ng Sucat, Parañaque, at ang mga suspek sa Service Road ng Roxas Boulevard.

Salaysay ni Patricio, bandang alas-6:30 ng gabi noong Enero 3, nag-text sa kanya ang isang Sherwin Gorospe upang isanla ang kanyang sasakyang Toyota Vios model 2017 na kulay orange (NCV- 3993) sa halagang P180,000 at nagkasundong magkita nang personal sa nasabing lugar.

Dumating sa pinag-usapang lugar ang negosyante, dakong alas-10:00 ng gabi at personal nitong nakaharap ang isang alyas “Alexis” na umano’y may-ari ng sasakyan, kasama sina Cuason at Soriano.

Habang binubusisi ni Patricio ang mga papeles ng sasakyan ay biglang sumulpot ang dalawang lalaki na armado ng baril at nagpakilalang mga pulis.

Sinabi umano ng dalawang lalaki na may problema sa mga dokumento ng isinasanlang sasakyan saka kinuha ang P186,000 cash ng negosyante, gayundin ang tatlong cellphone at iba’t ibang uri ng mga alahas.

Sinabihan pa umano si Patricio na sumama sa Camp Crame para isailalim sa imbestigasyon.

Pagsapit sa Finance Road sa harap ng National Museum sa Ermita ay pinababa ang nasabing negosyante saka mabilis na pinaharurot ng mga suspek ang sasakyan.

Sa puntong ito, nakipag-ugnayan si Patricio sa pulisya hanggang sa matunton ang tatlo sa ikinasang follow-up operation nina P/SSgt. Ronaldo Domingo, P/Cpl. Raymond Oliveros, P/Cpl. Sammy Gabbac at P/Cpl. Mark Oliver Amigable. (RENE CRISOSTOMO)

152

Related posts

Leave a Comment