SA kabila ng rekomendasyon ng mga eksperto, hindi muna planong pag-usapan ng pamahalaan ang pagbibigay ng booster shots sa mga bakunado.
Ani Health Undersecretary Rosario Vergeire sa isang panayam sa radyo, tatalakayin nila ang panawagan para sa booster shots ng COVID-19 vaccines sa sandaling mahagip na ang kalahati ng target nitong populasyon.
Dapat din aniyang ikonsidera ang problema sa supply mula sa mga manufacturers.
“Titingnan natin ang stability ng supplies natin… Kapag naabot na ang 50% vaccination sa lahat ng bahagi ng bansa, maaari nang pag-usapan ang booster shot. Kapag tinignan ang booster doses, ang sinasabi na mga eksperto, it is the same vaccines that is affected by the Delta variant and so with other variants of concern.”
Hindi din umano pwedeng agad na iturok ang sinasabing second-generation vaccines dahil kailangan pa din itong dumaan sa tamang proseso, partikular sa clinical trial na karaniwang inaabot ng tatlo hanggang anim na buwan.
“Sa ngayon, within the year, sabi ni [vaccine czar] Sec. [Carlito] Galvez, magtutuloy-tuloy na ang dating ng mga bakuna sa bansa. Simula Oktubre, tataas na ang mga supply,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Department of Health.
Abala rin aniya ang kanilang kagawaran sa agresibong government vaccination sa hangaring masapul ang target immunity bago matapos ang taon.
“Within the year ang objective natin ay population protection… Hindi naman natin ine-aim na talagang buong populasyon. Basta maabot ang 50% at mabigyan ang vulnerable sector and we can consider ang pagbibigay ng booster shot sa health workers at immunocompromised.”
Paglilinaw niya, hindi kontra ang DOH sa panawagan ng booster shots — “Equity and safety [are] what the government is trying to consider now. Hindi po natin sinasara ang pinto.” (RENE CRISOSTOMO)
187 