118 barangay inilagay sa granular lockdown NCR IBABABA SA GCQ MULA SEPT. 8

APRUBADO na ng Inter-agency Task Force (IATF) ang bagong community quarantine classifications simula sa Miyerkoles, Setyembre 8 hanggang Setyembre 30.

Sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque, binanggit nito ang mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) gaya ng probinsiya ng Apayao, Bataan, Bulacan, Cavite, siyudad ng Lucena, probinsiya ng Rizal at Laguna, Iloilo province, Iloilo City at Cagayan de Oro City.

Ang mga lugar naman aniya na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with hightened restrictions ay ang mga probinsiya ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Cagayan, Pangasinan, Quezon, Batangas, Naga City, Antique, Bacolod City, Capiz, Cebu Province, Lapu-lapu City, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Davao City, Davao del Norte, Davao de Oro, Davao Occidental, Caraga at Butuan City.

Ilalagay naman sa normal GCQ ang National Capital Region (NCR), Baguio City, Kalinga, Abra, Benguet, Dagupan City, City of Santiago, Quirino, Isabela, Nueva Vizcaya, Tarlac, Occidental Mindoro, Puerto Princesa, Aklan, Guimaras at Negros Occidental.

Kasama rin ang Cebu City, Mandaue City, Zamboanga Sibugay, Zamboanga City, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Iligan City, Davao Oriental, Davao del Sur, General Santos City, Sultan Kudarat, Saranggani, North Cotabato, South Cotabato, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Island, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Cotabato City at Lanao del Sur.

Ang mga lugar naman aniya na hindi niya nabanggit ay mapapasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ).

Samantala, maglalabas ang IATF ng guidelines para sa pilot areas sa Kalakhang Maynila na ilalagay sa localized hard lockdown.

‘Kaya po hindi ko pa inanunsyo ito.. unang-una ay wala pong in-approved na resolution tungkol dito sa granular lockdowns. Hindi lang po nagka-intindihan kaya mayroon tayong ilang mga kasama na isinapubliko na ito pero kung kayo po ay magtatanong ng detalye kung ano ang mangyayari dito sa mga granular lockdowns, wala pa pong detalye kaya ko nga po hindi inanunsyo. Siguro po kapag lumabas na yan eh at the latest bukas..masasabi ko po sa inyo kung ano iyong mga detailed na mga do’s and don’ts pag tayo po ay nag-resort na sa granular or localized lockdowns,” pahayag ni Sec. Roque, Lunes ng umaga.

Kaugnay nito, todo pagbabantay ang isinasagawa ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga lugar na nasa ilalim na ng granular lockdown sa Metro Manila dulot ng nananatiling mataas na kaso ng COVID-19.

Sa datos mula sa NCRPO, 118 barangay ang nasa ilalim ng granular lockdown, 89 dito ay sa Quezon City, 12 sa Northern district mula sa Caloocan at Malabon, 10 sa Southern District mula sa Muntinlupa, Taguig at Pateros at 7 sa Eastern District mula sa San Juan at Mandaluyong.

Kasalukuyang bantay sarado ang nabanggit na mga lugar at pinagbabawalang lumabas ang mga hindi awtorisado.

Nabatid na ang granular lockdown ay pagsasara ng bahagi ng barangay, na may mataas na insidente ng COVID-19.

Una nang sinabi ni PNP Chief Police Gen. Guillermo Eleazar na handa silang tumulong sa granular lockdown ng mga LGU.

Kaugnay naman sa pilot testing sa September 8 ng mga granular hard lockdown, sinabi ni Eleazar na naghihintay pa sila ng magiging guidelines ng IATF sa pagpapatupad nito. (CHRISTIAN DALE/JG TUMBADO)

277

Related posts

Leave a Comment