SA panahong madalas pag-usapan ang papel ng kabataan sa lipunan, isang mahalagang tanong ang umuusbong sa Las Piñas City: kung nagagawang maghatid ng makabuluhang serbisyo ng mga organisasyong umaasa lamang sa volunteerism, partnership, at suporta ng komunidad, bakit tila nahihirapan ang ilang institusyong may malaking pondo na makamit ang kaparehong epekto?
Sa loob ng halos tatlong taon, pinatunayan ng Asenso Kabataan Inc. na hindi hadlang ang edad upang mamuno at maglingkod sa kapwa.
Sa pamamagitan ng mga programang pangkabataan, sports development, educational assistance, community outreach, environmental initiatives, disaster response at iba pang proyekto, ipinakita ng grupo ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng isang mas maunlad at responsableng komunidad.
Kasama ng iba pang volunteer organizations sa lungsod, binabago ng Asenso Kabataan Inc. ang nakagisnang pananaw na tagasunod lamang ang kabataan.
Sa halip, sila ngayon ay nagsisilbing organisador, tagapagpatupad ng mga proyekto, at katuwang sa paghahanap ng mga solusyon sa mga suliranin ng komunidad.
Dahil dito, hindi maiwasang maikumpara ng publiko ang nagagawa ng mga volunteer-led organizations sa mga institusyong may mas malaking pondo at mas malawak na mandato.
Nagiging sentro ng usapan ang pagiging episyente sa paggamit ng resources at kakayahang maghatid ng mga programang tunay na nararamdaman at napakikinabangan ng mamamayan.
Gayunman, hindi dapat tingnan ang tagumpay ng mga organisasyong ito bilang paghamon sa pamahalaan kundi bilang paalala na ang tunay na serbisyo publiko ay hindi lamang nasusukat sa laki ng badyet kundi sa kakayahang gawing makabuluhan ang bawat oportunidad upang makatulong sa kapwa.
Sa nalalapit na barangay elections, higit na nagiging mahalaga ang mensaheng ito dahil hindi na lamang mga pangako ang hinahanap ng mamamayan kundi mga kongkretong halimbawa ng mahusay na liderato at tunay na paglilingkod.
Sa pamamagitan ng kanilang mga proyekto at adbokasiya, ipinakikita ng mga organisasyong tulad ng Asenso Kabataan Inc. na ang kabataan ay hindi lamang kinabukasan ng bayan kundi mga lider na aktibong lumilikha ng pagbabago sa kasalukuyan.
(DANNY BACOLOD)
73 