AFP ‘di pa nagbaba ng alerto ST UWAN NAGTALA NG 2 PATAY, 2 SUGATAN

(JESSE RUIZ)

DALAWA ang kumpirmadong patay at dalawa rin ang sugatan sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan (international name: Fung-wong), ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Lunes ng umaga.

Sa isang Zoom meeting, sinabi ni Office of Civil Defense Director Raffy Alejandro na isa sa mga nasawi ay nalunod sa Bato, Catanduanes, habang isa naman ang nasawi sa Catbalogan City, Samar matapos bumagsak ang isang wooden bridge.

Patuloy namang bina-validate ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Management of the Dead and Missing Persons ang ulat sa pagkasawi ng magkapatid na limang taong gulang na kambal sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay Alejandro, tinutukoy na rin nila ang iba pang detalye ng mga casualty habang iniulat na dalawa ang nasugatan mula sa Bicol Region at Western Visayas. Wala namang naiulat na nawawala.

Umabot na sa 1.4 milyon katao ang inilikas mula sa iba’t ibang rehiyon bago pa tumama ang bagyo. Nasa 966 bahay ang bahagyang nasira at 78 naman ang tuluyang winasak.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang damage assessment kaya wala pang inilalabas na opisyal na datos sa pinsala sa agrikultura at imprastraktura.

Kahapon ng alas-5:00 ng umaga, tuluyan nang humina ang bagyong Uwan habang tumatawid sa kalupaan ng Luzon.

Ayon sa PAGASA, tinatahak ng Uwan ang direksyong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph, taglay ang maximum sustained winds na 150 kph at bugsong hangin na 230 kph.

AFP Red Alert Pa Rin

Habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang super bagyo, iniutos ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na manatiling naka–red alert ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa tuloy-tuloy na humanitarian mission at search, rescue, and retrieval operations sa mga sinalantang lugar.

Lahat ng major services ng AFP — Philippine Navy, Air Force, at Army ay nakatutok pa rin sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR).

Noong Linggo, pinulong ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete ang kanyang general staff para i-monitor at gabayan ang nationwide rescue teams.

“With ‘Uwan’ packing maximum sustained winds of 185 km/h and gusts reaching 230 km/h, the Army rescuers are on full force to brave the howling winds and torrential rains to save residents from life-threatening flooding and storm surges,” ayon kay Col. Louie Dema-ala, chief ng Public Affairs ng Philippine Army.

Buong Pwersa Sa Luzon

Ayon sa Northern Luzon Command, nag-deploy ang 7th Infantry Division ng 232 military personnel at 14 military trucks sa Central Luzon, partikular sa Aurora, kung saan unang nag-landfall si Uwan.

May 1,005 tauhan na naka-standby sa Tarlac, Bulacan, Pampanga, Aurora, Nueva Ecija, Zambales, at Bataan.

Sa Isabela, nagpadala ang 525th Combat Engineer “Forerunner” Battalion (525CEBn) ng 20 highly trained rescuers gamit ang specialized equipment at rubber boats para sa rescue, evacuation, at clearing operations. Dalawang karagdagang team mula sa FTI, Taguig City ang nakaantabay para sa posibleng deployment.

Samantala, nagpakalat ang 5th Infantry Division ng 492 tauhan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region, bukod pa sa 184 rescue teams na may kabuuang 2,209 personnel na naka-standby.

Sa Bicol Region, halos 800 sundalo, 115 CAFGU members, at 252 reservists ang naglunsad ng mabilisang rescue at relief operations, gamit ang 73 military vehicles at communication equipment.

Habang patuloy na umiikot ang mga tropa ng Army sa 24-oras na operasyon, pinaalalahanan ni Gen. Nafarrete ang lahat ng area commanders at kasundaluhan na maging maingat at tiyakin ang sariling kaligtasan habang gumagawa ng HADR missions.

Misa Para Sa Mga Biktima

NAG-ALAY ng misa sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos para sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Uwan at ng mga naunang bagyo.

Sa kanyang social media post, ibinahagi ng Unang Ginang ang mga larawan nila ng Pangulo kasama si dating Unang Ginang Imelda Marcos at presidential sister Irene Marcos-Araneta habang dumadalo sa misa sa chapel ng Malacañang nitong Linggo.

“Sunday Mass with special intentions for all the families affected by the recent typhoons,” ayon kay First Lady Liza sa kanyang caption.

Matatandaang inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng gobyerno na manatiling alerto at handa sa epekto ng Super Typhoon Uwan, lalo na sa mga lugar na matinding tinamaan ng ulan at pagbaha.

Tuloy-tuloy Na Tulong

Samantala, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga lugar na matinding naapektuhan ng Super Typhoon Uwan, ilang oras matapos itong mag-landfall sa Dinalungan, Aurora, nitong Linggo ng gabi.

Sa situation briefing sa PSC Command Operations Center, inatasan ng Pangulo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy na maghatid ng ayuda sa mga apektadong pamilya, lalo na sa Bicol Region kung saan umabot sa mahigit 100,000 pamilya ang lumikas. Tiniyak din ng Department of Health (DOH) ang presensya ng mga medical team sa mga evacuation centers upang mabantayan ang kalusugan ng mga bakwit.

Kasabay nito, iniutos ni Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada upang mapabilis ang paghahatid ng tulong. Batay sa datos ng pamahalaan, may 71 kalsada pa ang hindi madaanan sa Gitnang Luzon at Cordillera Administrative Region.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), apat ang nasawi dahil sa bagyo habang nagpapatuloy ang mga rescue operations sa Pangasinan at iba pang lugar. Pinatitiyak ng Pangulo ang tuloy-tuloy na rehabilitation efforts sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Uwan at Bagyong Tino.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

72

Related posts

Leave a Comment