AFP RESERVISTS HINIKAYAT NG DND NA PALAKASIN AKTIBIDAD SA COASTAL AT ISLAND PROVINCES

HINIKAYAT ng Department of National Defense (DND) ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Reserve Force na palakasin ang kanilang mga aktibidad, partikular sa mga coastal at island province na itinuturing na vulnerable sa security threats at kalamidad.

Inilahad ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang panawagan sa pagtatapos ng 47th AFP National Reservist Week sa Camp Aguinaldo, na ginanap mula Setyembre 3 hanggang 10 na may temang “Laang Kawal: Sandigan ng Bayan sa Kapayapaan, Kaayusan, at Katatagan.”

Ayon kay Teodoro, malaking puwang sa depensa ng bansa ang eastern seaboard dahil mas malawak ang maritime domain ng Pilipinas sa Pacific side, kabilang ang Philippine Rise.
“Our vulnerability is in the eastern seaboard. I would like the reserve commands to pursue activities on our Pacific Ocean boundary and all areas leading to the Pacific Ocean. That is a big gap,” ani Teodoro.

Nais din ng kalihim na magkaroon ng mas malaking papel ang mga Laang Kawal sa disaster response, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo, malalakas na ulan dulot ng Habagat, landslide, lindol at pagputok ng bulkan.

Kaugnay nito, inatasan ni Teodoro ang Office of Civil Defense (OCD) na pag-aralan ang community-based at deployable system para sa mga disaster responder na maaaring magsagawa ng first aid, fire response at iba pang mahahalagang gawain.

Giit niya, dapat non-combatant at boluntaryo ang mga responder at maaaring manggaling sa ibang lugar upang maiwasang maging biktima rin ang mga lokal na responder kapag tinamaan ng sakuna ang kanilang komunidad.

“Because when a town is hit, or a province, the responders will also become victims. So those who will help must come from another place,” paliwanag ni Teodoro.

Nagbabala rin ang kalihim sa mga umuusbong na banta, kabilang ang automated at AI-driven weapons, malign foreign influence, disinformation at cognitive warfare.

Ayon kay Teodoro, kailangan ng bansa ng sapat na posture, infrastructure, dagdag na puwersa at mas maraming aktibidad kasama ang mga kaalyado upang mapalakas ang deterrence at maiwasan ang aktuwal na labanan.

(JESSE RUIZ)

54

Related posts

Leave a Comment