HINIMOK ni Senador Erwin Tulfo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na palakasin at ipamahagi sa iba’t ibang rehiyon ang aerial assets ng Philippine National Police (PNP) upang mas mabilis na makaresponde sa mga sakuna, labanan ang krimen, at protektahan ang kalikasan.
Sa ginanap na budget briefing ng DILG para sa pondo ng 2027, binigyang-diin ni Tulfo ang matinding pangangailangan sa mabilis na pagresponde mula sa himpapawid, lalo na sa malalayong lugar na talamak ang illegal logging at kaingin, tulad ng Palawan at Sierra Madre.
“Sa ngayon, dalawang araw pa ang kailangang lakarin ng ating mga forest ranger para lang marating at mainspeksyon ang lugar ng illegal logging. Kung may nakahandang suporta sa himpapawid ang PNP, magiging mabilis at pangkasalukuyan ang pag-aksyon,” giit ng senador na tubong-Palawan.
“May plano ba ang PNP na madagdagan ang air assets para sa mas mabilis na pagresponde? Halimbawa, sa matinding trapiko sa Metro Manila, mas magiging mabilis ang paggalaw kung may magagamit na sasakyang pangkalahatatan sa himpapawid,” dagdag pa ni Tulfo.
Sinuportahan naman ni Senate Finance Panel Chair Sen. JV Ejercito ang panukala ni Tulfo. Isinulong nito ang pagpapadala ng mga helicopter ng PNP sa mga probinsya tulad ng Cebu, Davao, at La Union—sa halip na nakatambak lamang sa Maynila, upang agad magamit sa search and rescue operations, sakuna, at medical evacuation.
Bagama’t sinusuportahan ang pagbili ng mga drone para sa obserbasyon at pagmamanman, nagkasundo ang mga senador na hindi pa rin dapat mawala ang mga helikopter sa rescue missions.
Inirekomenda rin ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang pagbili ng mga specialized utility helicopter na may kakayahang magbaba ng tao gamit ang lubid at magamit sa medical evacuation, kapalit ng mga kasalukuyang pampasaherong helikopter na hindi angkop sa ganitong operasyon.
At kasunod ng pagbagsak ng tatlo sa walong helicopter ng PNP sa nakalipas na apat na taon, ipinapanukala ni Sec. Remulla na repasuhin ang sistema ng maintenance ng PNP at pag-aralan ang pagkuha ng pribadong kumpanya para sa pangkalahatang pag-aalaga ng mga ito upang matiyak ang kaligtasan ng bawat paglipad.
Tiniyak naman ni Sen. Tulfo ang kanyang buong suporta sa pondong kinakailangan ng DILG at PNP para sa modernisasyon ng air assets, pagpapatayo ng mga hangar, at pagpapahusay sa maintenance system para sa mas mabilis na serbisyo sa mga malalayong komunidad at lugar na madalas tamaan ng kalamidad.
56 