PBBM HUMIRIT SA KONGRESO NA SUSPENDIHIN IMPLEMENTASYON NG RPVARA

HINILING ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na suspendihin ang pagpapatupad ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (Republic Act No. 12001) upang maiwasan ang dagdag na gastos sa mga negosyo, mahikayat ang pamumuhunan at matiyak ang maayos na paglipat sa bagong property valuation system.

Sa isinagawang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang, kabilang sa mga inilahad ng Pangulo ang mga priority measure ng administrasyon.

Alinsunod din ito sa kanyang panawagan sa State of the Nation Address (SONA) na pansamantalang ipagpaliban ang implementasyon ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA).

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inihain ni Pangulong Marcos ang panukala sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa LEDAC meeting noong Agosto 6.

Ani Castro, layunin ng panukala na maiwasan ang karagdagang gastos sa mga ari-arian ng mga negosyo, masuportahan ang pamumuhunan at matiyak ang maayos at makatwirang transisyon sa bagong valuation system.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Marcos ang RPVARA noong 2024 upang gawing mas pare-pareho ang sistema ng appraisal ng mga ari-arian sa bansa at maiayon ito sa pandaigdigang pamantayan.

Sa ilalim ng batas, ang prevailing market value ang magiging pangunahing batayan sa pagtatakda ng halaga ng mga ari-arian para sa real property tax assessment.

Nakatakda namang ganap na ipatupad ang batas pagsapit ng 2028.

(CHRISTIAN DALE)

69

Related posts

Leave a Comment