MAG-PARTNER ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at University of the Philippines – Marine Science Institute (UP-MSI) sa pagsasaayos ng kapaligiran at kalikasan.
Idiniin ito ni DENR Undersecretary Benny Antiporda kasunod ng paghingi niya ng paumanhin sa UP hinggil sa naunang pahayag na “bayaran” ang mga eksperto sa nasabing Pamantasan.
Nilinaw ni Antiporda na ang kanyang paratang na “bayaran” ang mga taga-UP-MSI “[was] not intended to destroy the good name of the university itself but this is just to send the message to UP-MSI that we’re partners here.”
Inakusahan ni Antiporda na bayaran ang mga tao sa UP-MSI makaraang lumabas sa media ang kritisismo nito sa proyektong dolomite ng DENR sa Bay Walk ng Manila Bay.
Ipinaliwanag ni Antiporda sa SAKSI Ngayon ang kahulugan ng pagiging magkatuwang ng DENR at UP-MSI sa ganitong pahayag: “Yes partners are just like brothers and sisters, if there is anything wrong with your brother, you don’t tell it to your neighbor or media, hindi ba dapat kinuha muna nila attention namin. And yet we are paying them hundreds of millions.”
Tinanggap naman ni UP-MSI Director Laura David ang paumanhin ni Antiporda.
Itinuring ni David na “misunderstanding and miscommunication” ang akusasyon ni Antiporda.
“Definitely, wala naman pong bad blood between DENR and UP from the very start I knew this was just a misunderstanding and miscommunication,” susog ni David.
Ipinaalala naman ni Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan) research coordinator Gia Glarino kay Antiporda na bilang opisyal ng pamahalaan ay dapat bukas ito sa rekomendasyon ng mga scientist at marine experts, lalo na’t kung nakabase naman ang kanilang pahayag sa siyensya.
Idiniin ni Glarino na todo ang suporta ng Kalikasan sa mungkahi ng UP scientists na magtanim ng bakawan, o mangrove forests, upang maibalik sa dati ang kalidad ng tubig ng Manila Bay.
Public apology
Pinagso-sorry hindi lamang si Antiporda kundi ang buong kagawaran sa pagtawag sa University of the Philippines (UP) Scientist na ‘bayaran’.
Sa deliberasyon sa pondo ng DENR sa mababang kapulungan ng Kongreso, naging malaking usapin ang pagtawag ni Antiporda sa UP Marine Science Institute na “bayaran” na hindi pinalagpas ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.
“Hindi na sana ako nag-interpellate sa budget ng DENR but I’m disturb, to say the least, revolting nung mabasa ko itong balita na ang constructive proposal of scientific community was branded by the spokesperson ng DENR na si Undersecretary Antiporda na mga bayaran ang nagsabi nito,” ani Zarate.
Hindi umano matanggap ni Zarate na ayaw tumanggap ng kritisismo ni Antiporda dahil pondo ng bayan ang ginamit sa dolomite project sa Manila Bay na binabatikos ng mga scientist.
Ayon sa sponsor ng budget ng DENR na si Aklan Rep. Ted Haresco, nagpatawag umano ng pulong si Secretary Roy Cimatu para pag-usapan ang naging pahayag ni Antiporda sa mga scientist.
Tiniyak ni Cimatu sa pamamagitan ni Haresco na hindi nito palalagpasin ang pagtawag ni Antiporda bilang bayaran ang mga UP Scientist kung saan posibleng ma-reprimand umano ang opisyal.
Gayunman, sinabi ni Zarate na hindi sapat ang reprimand at sa katunayan ay maraming sektor ng lipunan ang nagde-demand na maglabas ng public apology ang buong DENR.
“Sinabi niyo kanina na sinabi ni Secretary Cimatu na nagkamali ang kanyang spokesperson, ang spokesperson ng kanyang kagawaran and not just a mere misunderstanding na kung ano ang pinagsasabi niya (Antiporda) sa media,” ani Zarate. (NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)
