POSIBLENG ipatupad ang “Alert Level 0” status kung idedeklarang endemic na ang COVID-19 sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III na ang alert status ay puwedeng ipatupad kung ang COVID-19 ay hindi na nakakaapekto sa buong bansa.
“Ang isang importante na mangyayari ay kailangan ma-declare na endemya na itong COVID-19,” ayon kay Densing.
“Kapag sinabi nating endemya na nagdeklara ibig sabihin ordinaryong sakit na lang ito na kakaharapin natin sa araw-araw at hindi na siya nakakaapekto sa buong bansa,” dagdag na pahayag nito.
Aniya, ang porsyento ng COVID-19 cases ay dapat na kahalintulad ng porsyento ng ordinaryong flu cases.
Kapag na-accomplished na aniya ang National Action Plan Phase 5 ng pamahalaan sa ilalim ng Alert Level 0, sinabi ni Densing na ang National Task Force Against COVID-19 ay awtomatikong mababasura.
Idagdag pa na ang tanging pananatilihin lamang ng pamahalaan ay ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Gayunman, hindi pa makapagbigay ng detalye ang pamahalaan ukol sa Alert Level 0, dahil kino-kompleto pa nito ang National Action Plan Phase 5 na sakop ang economic recovery ng bansa mula COVID-19.
Ang Pilipinas ay nasa ilalim ng state of calamity hanggang Setyembre 12. (CHRISTIAN DALE)
