ITINUTULAK ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang malawakang pag-amyenda sa mga batas laban sa financial crimes upang palakasin ang legal framework ng bansa bago ang 2027 mutual evaluation ng Financial Action Task Force (FATF).
Binigyang-diin ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura ang pangangailangan na maisabatas ang mga nakabinbing amendments sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) bago isagawa ang kritikal na international evaluation sa susunod na taon.
Sa isang forum na inorganisa ng SGV & Co. sa Makati City noong Biyernes, sinabi ni Buenaventura na mahalaga ang pagpapalakas ng legal framework habang naghahanda ang Pilipinas para sa nalalapit na FATF mutual evaluation.
Matatandaang inalis ng FATF noong 2025 ang Pilipinas sa tinatawag na “grey list,” kung saan sumasailalim ang isang bansa sa increased monitoring dahil sa mga natukoy na strategic deficiencies sa anti-money laundering at counter-terrorist financing measures.
Gayunman, sinabi ni Buenaventura na hindi dapat ituring na pangwakas na layunin ang pagkakaalis ng Pilipinas sa grey list.
“We did not exit the gray list only to return to it,” ani Buenaventura.
“The 2027 mutual evaluation timing is critical,” dagdag niya, at ipinaliwanag na isinasaalang-alang ng FATF assessors ang mga batas at hakbang na aktuwal nang naipatutupad bago matapos ang kanilang on-site visit.
“An amendment still pending when the assessors complete their visit earns the country no credit,” ani Buenaventura.
Binalangkas ng AMLC ang tatlong pangunahing layunin ng panukalang mga amyenda: ang pag-aayon ng national legal framework sa mga umuunlad na pamantayan ng FATF, pagtugon sa operational at legal gaps, at pagpapalakas ng investigative, supervisory at enforcement capabilities.
Para maisakatuparan ito, itinutulak ng AMLC ang malawakang rebisyon sa 2001 law.
Sa kasalukuyan, suportado umano ang mga reporma ng limang Senate bills at siyam na House bills na nakabinbin sa kani-kanilang banking committees. Kabilang din ang mga panukala sa mga priority legislation na target na maipasa.
Para naman sa mga institusyong saklaw ng batas, sinabi ni Buenaventura na maaaring magresulta ang reporma sa mas mabilis at direktang requests mula sa mga regulator, gayundin sa mas malinaw na compliance at response processes upang matiyak ang kahandaan ng mga institusyong pinansyal.
(CHRISTIAN DALE)
83 