UMALMA si dating Executive Secretary Atty. Victor D. Rodriguez sa desisyon ng mayorya ng Senado na baguhin ang voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
“Rule of law is dead,” pahayag ni Rodriguez sa kanyang Facebook post noong isang araw.
Sa kanyang post na pinamagatang “PH Constitution Requiem,” sinabi ni Rodriguez na minarkahan umano ng 13 senador ang “death of our Constitution” dahil sa umano’y paglabag sa kanilang panunumpa bilang senator-judges na magsagawa ng impartial justice alinsunod sa Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas.
Kasunod nito, iniakyat ni Rodriguez sa Korte Suprema ang usapin sa bilang ng mga botong kailangan para ma-convict si Duterte sa impeachment trial.
Sa 24-page petition for certiorari and prohibition, hiniling ni Rodriguez na ipawalang-bisa ang September 23 ruling ng Senate Impeachment Court na ibatay ang two-thirds vote sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa proceedings.
Iginiit ni Rodriguez na sa ilalim ng 1987 Constitution, ang two-thirds requirement ay dapat ibatay sa buong 24 na miyembro ng Senado, kaya 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Aniya, hindi nawawala sa bilang ng Senate membership ang isang senador dahil lamang sa absence, non-participation, o pansamantalang kawalan ng kakayahang lumahok sa impeachment proceedings.
Hiniling din ni Rodriguez sa Korte Suprema ang paglalabas ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng September 23 ruling at ang pagbabalik sa July 6 ruling ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero na nagtakda ng 16 na boto bilang kinakailangan para sa conviction.
Samantala, kinalampag din ng abogado na si Atty. Ernesto Francisco Jr. ang Korte Suprema upang resolbahin ang usapin sa voting threshold ng Senate Impeachment Court.
Sa kanyang petisyon noong Biyernes, iginiit ni Francisco na hindi dapat payagan ang sinumang opisyal, kabilang ang mga senador, na magkaroon ng sariling interpretasyon sa Saligang Batas.
Ayon kay Francisco, ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magbigay ng pinal na interpretasyon sa mga probisyon ng Konstitusyon.
Hiniling din niya ang paglalabas ng status quo ante order upang pansamantalang ibalik sa dating kalagayan ang sitwasyon habang dinidinig ng Korte Suprema ang isyu at hinihingi ang pagpapawalang-bisa sa naunang kautusan ng impeachment court.
Ipinaliwanag ni Francisco na naiiba ang kanyang hiling sa temporary restraining order na inihain ni Rodriguez dahil kinikilala niya ang pagiging co-equal branch ng Senado at Korte Suprema.
Aniya, layunin lamang ng status quo ante order na pansamantalang pigilan ang pagbabago sa kasalukuyang sitwasyon at ibalik ang usapin sa dati nitong estado habang hinihintay ang interpretasyon ng Kataas-taasang Hukuman.
(JULIET PACOT)
74 