DIRETSANG kinumpirma ni Public Works Acting Secretary Vince Dizon na walang ghost projects sa Taguig, batay sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lumabas ang pahayag ni Dizon sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 proposed budget ng DPWH noong Setyembre 25.
“Meron bang ghost projects sa Taguig?” tanong ni Cayetano kay Dizon.
“Sa aming imbestigasyon, wala po,” agad na sagot ng kalihim.
Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, nasa 107 ang kabuuang proyekto ng DPWH sa Taguig at bawat isa ay may naitalang “accomplishments.”
Tiniyak din ng DPWH na bukas ang kanilang imbestigasyon sa media at sa lahat ng nais makaalam ng mga detalye hinggil sa mga proyekto.
“So klaro iyon ha,” sinabi ni Cayetano matapos ang pahayag ng mga opisyal ng DPWH.
Samantala, hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Philippine Reclamation Authority (PRA), DPWH at Laguna Lake Development Authority (LLDA) na direktang mag-usap at makipag-ugnayan sa mga opisyal ng Taguig upang linawin ang mga isyu sa mga kinukwestyong development projects sa Laguna Lake.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng PRA noong Setyembre 22, sinabi ni Cayetano na bukas ang Taguig City sa anomang imbestigasyon kaya dapat ding magkaroon ng maayos na koordinasyon ang mga ahensyang sangkot sa mga proyekto.
“‘Pag pinag-usapan ang siyudad namin, you can investigate, everyone is open,” ani Cayetano.
Ayon sa senador, bago pa man ang pagdinig ay inimbitahan na ng kanyang tanggapan ang pinuno ng PRA upang magkalinawan at magkaroon ng maayos na koordinasyon.
“Ang issue ko ay sa DPWH at LLDA at saka sa inyo (PRA). Tatlo kayong gobyerno, bakit hindi kayo mag-usap?” tanong niya.
Ibinabato sa Taguig nitong mga nakalipas na linggo ang samu’t saring akusasyon kaugnay ng umano’y “illegal reclamation” projects sa bahagi nito ng Laguna Lake.
Gayunman, matapos ang pagtatanong ni Cayetano sa mga opisyal ng PRA, kinumpirma ng ahensya na ang mga kinukwestyong proyekto ay sakop ng DPWH at hindi ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
Nilinaw din ng PRA na DPWH ang may responsibilidad na tumugon sa mga hinihingi ng ahensya kaugnay ng mga naturang proyekto.
Dahil dito, hinimok ni Cayetano ang PRA, DPWH at LLDA na makipagpulong sa mga opisyal ng Taguig upang harapang linawin ang mga isyu, sa halip na magkaroon ng magkakasalungat na pahayag mula sa mga ahensya.
“Kung nagpatawag kayo ng meeting ng DPWH at saka LLDA, kung inimbitahan n’yo ‘yung local government, ‘yung mga barangay involved, nangyari pa ba itong lahat na ito?” diin ni Cayetano.
“We can get to the bottom of any problem if we talk,” dagdag niya.
Mahalaga aniya ang mga imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan sa publiko, ngunit kailangan din ang koordinasyon, bukas na pag-uusap at masusing pagtingin sa mga katotohanan upang hindi madamay o maparatangan ang mga institusyong wala namang ginagawang paglabag.
“Bugbog na bugbog ‘yung reputation ng city namin… So sana na-realize n’yo lang ‘yung problema ngayon and sana we’re all just circumspect,” ani Cayetano.
131 