UNTI-UNTI nang nagsasagawa ng rigodon sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kahapon ay iniluklok bilang bagong Deputy Speaker si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon na loyal ally ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Ibinalik naman kay 1PACMAN party-list Rep. Mikee Romero ang dating titulong Deputy Speaker matapos itong tanggalin kay Camarines Rep. LRay Villafuerte na loyal ally naman ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Si Romero ang unang casualty sa girian nina Velasco at Cayetano sa Speakership nang tanggalin ito bilang Speaker at ipinalit sa kanya si Villafuerte.
Tinanggal din bilang chairman ng House committee on health si Guimaras Rep. Ma. Lucille Nava at ibinalik ito kay Quezon Rep. Angelina Tan na isa sa mga tinanggalan ni Cayetano ng komite.
Una nang hinalal bilang chairman ng House accounts committee si Davao City Rep. Paolo Duterte kapalit ng kaalyado ni Cayetano na si Cavite Rep. Abraham Tolentino.
Plano rin umano ng bagong liderato ng Kamara na ibalik sa kanilang committee chairmanship sina AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin sa Economic Affairs Committee at Valenzuela Rep. Eric Martinez sa Committee on Youth and Sports Development.
Kasama sina Garin at Martinez sa tinanggalan ni Cayetano ng chairmanship kung saan ang committee on Economic Affairs Committee ay ibinigay kay Aklan Rep. Ted Haresco at Youth and Sports naman kay Manila Rep.Yul Servo Nieto. (BERNARD TAGUINOD)
