MGA KABATAANG BAYANI NOON, TAMPOK SA BAGONG INDEPENDENCE DAY STAMPS SA PHLPOST

MAYNILA, Pilipinas – Isang siglo at kalahati matapos silang isilang, patuloy pa ring nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino sina Gregoria “Oriang” de Jesus at Emilio “Pingkian” Jacinto.

Bagama’t bata pa noong panahon ng Himagsikan, malaki ang naging ambag nila sa pakikibaka para sa kalayaan ng bansa.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, ilulunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang commemorative stamps na nagbibigay-pugay sa ika-150 taon ng kapanganakan nina Gregoria “Oriang” de Jesus at Emilio “Pingkian” Jacinto. Gaganapin ang paglulunsad sa Activity Area ng Robinsons Place Ermita, Manila sa Hunyo 12, 2026.

Kilala bilang Lakambini ng Katipunan, si Gregoria de Jesus ay naging simbolo ng katatagan, tapang, at sakripisyo sa gitna ng rebolusyon. Higit pa sa pagiging asawa ni Andres Bonifacio, naging mahalagang katuwang siya sa pag-iingat ng mga dokumento, lihim, at operasyon ng Katipunan.

Si Emilio Jacinto naman ay kinilala bilang “Utak ng Katipunan” dahil sa kanyang mahalagang papel sa paghubog ng mga prinsipyo at kaisipang naging gabay ng rebolusyon. Sa kabila ng kanyang murang edad, ang kanyang mga isinulat at adhikaing makabayan ay patuloy na pinag-aaralan at pinahahalagahan hanggang sa kasalukuyan.

Sa pamamagitan ng bagong stamp issue, layunin ng PHLPost na ipakilala sa mas maraming Pilipino, lalo na sa kabataan, ang mga kuwento ng dalawang rebolusyonaryong nagpatunay na ang edad ay hindi hadlang sa paglilingkod sa bayan at paggawa ng makabuluhang pagbabago.

“Sa panahon kung kailan maraming kabataan ang naghahanap ng inspirasyon at mga huwaran, mahalagang maipakilala natin ang mga kabataang bayani na tumulong humubog sa ating bansa.

Sa pamamagitan ng mga selyong ito, umaasa kaming mas maraming Pilipino ang muling matutuklasan ang kanilang mga kuwento at magpapahalaga sa kanilang kabayanihan,” ayon kay Postmaster General Maximo C. Sta. Maria III.

Ayon sa PHLPost, ang mga selyo ay hindi lamang ginagamit sa pagpapadala ng koreo. Nagsisilbi rin itong maliliit na piraso ng kasaysayan na nagdadala ng mga kuwento ng mga taong humubog sa bansa. Sa bawat stamp issue, nabibigyang-buhay ang mahahalagang bahagi ng ating kasaysayan at kultura para sa mga susunod na henerasyon.

Ang commemorative stamps ay dinisenyo ni Jose Antonio A. Jayme, in-house layout artist ng PHLPost. Magiging available ang mga ito sa publiko, mga stamp collectors, history enthusiasts, at iba pang interesado simula Hunyo 12, 2026 sa Activity Area ng Robinsons Place Ermita at Post Shop ng Manila Central Post Office.

57

Related posts

Leave a Comment