BAGGER KINATAY NG 2 KATAGAY

CAVITE – Patay ang isang 23-anyos na bagger makaraang pagtulungang bugbugin at pagtatagain ng dalawang kainuman sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.

Namatay habang isinasalba sa Carsigma District Hospital ang biktimang si Nyl John Bruce, binata, ng Block 50, Lot 9, Narra 3, Bulihan, Silang, Cavite.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas Epok Magalang at alyas Basilio Hinayon, kapwa residente ng Phase 6, Brgy. Bulihan, Silang, Cavite na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Marcelino Fuller ng Silang Police, dakong alas-2:54 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Narra 3, Bulihan.

Napag-alaman, maglalaro sana ng basketball ang biktima ngunit dahil walang kalaban ay nakipag-inuman na lamang sa mga suspek.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang inuman nang nagtalo ang mga ito hanggang sa bugbugin ng mga suspek ang biktima at pinagtataga.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong murder. (SIGFRED ADSUARA)

161

Related posts

Leave a Comment