(NI LYSSA VILLAROMAN)
IPINAHAYAG ng bagong upong hepe ng New Bilibid Prison na si Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag ang hindi niya paggamit ng kanyang mobile phone habang siya ay nasa loob ng nasabing facility bilang ehemplo sa lahat ng mga personnel.
Ang pahayag ni Bantag ay upang pamarisan ng lahat ng personnel sa loob ng NBP dahil bilang bagong upong BuCor chief, ipagbabawal niya ang paggamit ng mobile phones sa loob ng facility na kadalasang nagagamit sa korupsyon.
“Yun po ay maging istrikto lang sa paghalughog niyan, kunin lahat ng cellphone, pati po mga personnel dapat wala na rin para po… may mga rason po ‘yan eh. May mga dalang cellphone, baka po dalawa. Hindi natin sawatahin ‘yung ganiyang practice, pagpasok po nila diyan, puwedeng ibenta,” pahayag ni Bantag.
Sinabi pa ni Bantag na ang naturang hakbangin ay para sa lahat ng personnel ng BuCor at pati na rin ang kanyang sarili.
Inihayag din ni Bantag na sisimulan na rin nila ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa mga personnel ng NBP na sangkot sa corrupt practices.
“Sa ngayon po, maaari po natin silang imbestigahan kung sino po ‘yung involved, siyempre hindi naman po fair ‘yun na lahatin kung hindi naman involved ‘yung iba,” ayon kay Bantag.
Matatandaan na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bantag bilang bagong BuCor chief noong nakaraang linggo kapalit ni Nicanor Faeldon matapos na ito ay masabit sa kontrobersya sa pagpalaya sa convicts na sangkot sa heinous crimes.
Si Bantag ang dating Paranaque City Jail Warden noong 2016 na nasagkot sa pagpapasabog ng granada sa loob ng naturang facility na ikinamatay ng 10 inmate.
